ANG liturgical color ngayong panahon ng Adbiyento ay lila. Nangangahulugan ang kulay lila ng pagsisisi o pagbabalik-loob. Sa season of Lent, dala-dala ng Advent ang tono ng pagsisisi sa mga kasalanang nagawa sa Diyos at sa kapwa.
Pagkakataon din ang Advent para makipagkasundo sa Diyos at sa kapwa.
Sinasabi sa pagbasa ngayong Misa na darating ang Diyos at ang pinakamagandang paghahanda para sa kanyang pagdating ay iwasto ang ating pag-uugali at ituwid ang ating daan. Si Juan Bautista ang nananatiling prominenteng pigura sa panahon ng Adbiyento at magandang halimbawa para sa ating lahat habang naghihintay tayo sa pagdating ni Kristo.
Kailangan nating isapuso at isabuhay ang kanyang mga pangaral sa mga tao sa Israel. “Magsisi sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!”
Mahalagang susi ang pagsisisi tungo sa kapatawaran at malasakit – ang malasakit at kapatawaran ng Diyos. Hangga’t hindi tayo nagsisisi, ayon sa Bibliya, hindi natin lubusang matatanggap ang biyaya ng awa ng Diyos. Sa kabilang dako, ang pagsisisi mismo ay biyaya mula sa Diyos. Ang pagsisisi sa kasalanan ay biyaya ring kaloob ng Diyos. Sinasabi rin ng Bibliya sa atin na ang Diyos ang siyang unang nagmahal sa atin. Ang Panginoon ang nagpasimula ng pagmamahal sa atin. Lagi niya tayong hinahanap, ang kanyang mga nawawalang tupa. Ang ating pagsisisi, ang ating pagbabalik sa kanyang kawan ay ang ating tugon sa kanyang pagmamahal.
Paulit-ulit na sinasabi ni Pope Francis na hindi napapagod ang Diyos sa pagkakaloob ng awa sa atin; tayo ang siyang napapagod sa paghingi ng kapatawaran. Lagi lamang naghihintay ang Diyos upang makipagkasundo tayo sa kanya, lalo na sa Sacrament of Reconciliation. Tulad ng season of Lent, ang season of Advent ay panahong ibinibigay sa atin ng Simbahan upang muli tayong lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng pangungumpisal.
Ang Eukaristiya ay sakramento rin ng kapatawaran ng Diyos. Tiniyak ni Hesus sa atin na may pagbubunyi sa kalangitan kapag may makasalanang nagsisisi sa mga kasalanan. Sa Eukaristiya rin natin natatagpuan ang awa ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga Salita at sa pakikisalo sa pagkain ng pagmamahal na inialay ni Hesus sa pamamagitan ng kanyang sariling katawan at dugo para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ang komunidad na nagtitipun-tipon sa isang mesa ay nagiging pamayanan ng pagmamahal at awa at mga tagapagdala ng pagmamahal ng Diyos sa mundo.
Ang Adbiyento ay panahon ng pag-asa. Umaasa tayo sa Panginoon na punung-puno ng awa at malasakit. Umaasa tayo na sa kanyang muling pagbabalik dala-dala niya ang pagbabago at katarungan. Hinihintay natin ang pagdating ng araw na ang kanyang pagmamahal at awa ang mananaig at ang kanyang kaharian ay tuluyang nang magaganap sa lupa na para nang sa langit.