Warriors, nasalpok ng Rockets sa 2OT; Cavs, silat sa LA Clippers.
OAKLAND , California (AP) – Nagsalansan si James Harden ng triple-double – 29 puntos, 15 rebound at 13 assist – para sandigan ang Houston Rockets sa pahirapang 132-127 panalo kontra Golden State Warriors sa double overtime nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) sa Oracle Arena.
Pinatahimik ni Harden, kumubra ng ika-43 career triple-double, ang nagbubunying home crowd sa naisalpak na three-pointer, bago sinundan nang floater ni Eric Gordon mula sa assist ng tinaguriang ‘The Beard Man’ para sa 130-124 bentahe tungo sa huling dalawang minuto ng second overtime.
Nakaganti si Draymond Green ng three-point play, ngunit na-fouled out may 8.4 segundo sa laro at naisalpak ni Trevor Ariza ang dalawang free throw para selyuhan ang panalo ng Rockets at tuldukan ang 8-game losing streak sa Golden State.
Naputol din ang 12-game winning streak ng Warriors.
Nanguna si Kevin Durant sa Warriors sa nakubrang 39 puntos, 13 rebound at tatlong steal, habang kumubra si Steph Curry ng 28 puntos. Ito ang kauna-unahang pagkakataon mula noong 2013 na na-fouled out ang two-time MVP.
Hataw naman si Green ng 20 puntos, 15 rebound at siyam na assist.
Natapos ang regulation sa 97-all, habang naipuwresa ng Rockets ang second overtime sa 113-all.
CLIPPERS 113, CAVS 94
Sa Quicken Loan Arena, ibinaling ng Los Angeles Clippers ang ngitngit sa Cleveland Cavaliers para putulin ang three-game losing skid sa impresibong panalo kontra sa defending champion.
Nanguna si JJ Redick sa ratsada ng Clippers sa naiskor na 23 puntos, habang kumana si Chris Paul ng 16 puntos at siyam na assist. Nag-ambag si Blake Griffin ng 13 puntos at 11 rebound.
Nabalewala ang produksiyon ni Kyrie Irving na 28 puntos, habang nalimitahan sina LeBron James at Kevin Love sa tig-16 puntos.
HORNETS 97, MAVS 87
Dinugtungan ng Charlotte Hornets, sa pangunguna ni Kemba Walker, ang losing skid ng Dallas Maverics sa Time Warner Cable Arena.
Hataw si Walker sa naiskor na 18 puntos, habang kumubra si Michael Kidd-Gilchrist ng 14 puntos para sa Charlotte na tumibay sa 11-8 karta.
Laglag ang Dallas sa 3-15.
Samantala, naungusan ng Miami Heat ang Utah Jazz, 111-110; habang ginulat ng Memphis Grizzlies ang Orlando Magic, 95-94.