DAVAO CITY – Duda ang mga taga-Marawi City, kabilang ang mga pangunahing opisyal ng Lanao del Sur, sa napaulat na pananambang sa advance party ni Pangulong Duterte nitong Martes, isang araw araw bago ang pagbisita ng huli sa probinsiya upang kumustahin ang mga sundalong nasugatan sa pakikipaglaban sa Maute terror group.

Sinabi ng mga residente sa Sitio Imi Punud sa Barangay Matampay sa Marawi, kung saan napaulat na nangyari ang pagpapasabog ng isang improvised explosive device (IED) sa convoy ng Presidential Security Group (PSG), na walang nangyaring anumang karahasan sa kanilang komunidad nitong Martes, partikular na sa highway.

“Nakatira kami dun mismo sa sinasabing ambush site, pero wala kaming narinig na anumang pagsabog o kahit putukan ng baril,” sinabi ni Edris Ibrahim, isang third year college student at youth network worker, nang kapanayamin ng may akda nitong Miyerkules.

Ayon naman kay Lanao del Sur Vice Gov. Mamintal Alonto-Adiong, Jr., na dumalo sa paglulunsad ng limang-probinsiyang summit sa siyudad nitong Miyerkules, na nalilito ang mga sibilyang opisyal na gaya niya sa naglabasang ulat sa ambush.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“Nagpunta sa lugar ang local police investigators, kung saan nangyari ang ambush. Wala ring iniulat na karahasan ang mga taga-Matampay at mga opisyal doon. Pero iginiit sa military reports na nagkaroon ng pagsabog at barilan sa lugar.

Naguguluhan kami,” sinabi ng bise gobernador sa mga mamamahayag dito.

Binigyang-diin pa ni Adiong at ng iba pang opisyal ng Lanao del Sur na nasa summit na, “No Maranaos in their right senses will ever harm or insult President Duterte because he has a Maranao blood”.

Ito ang naging pahayag ng mga opisyal ng lalawigan sa gitna ng babala ng mga mambabatas sa oposisyon, sa pangunguna ni Albay Rep. Edcel Lagman, na nililikha lang umano ang mga insidente ng karahasan upang mabigyang-daan ang pagdedeklara ng administrasyong Duterte ng batas militar.

Napaulat nitong Martes na pitong tauhan ng PSG at dalawang sundalong escort ng mga ito ang nasugatan sa nasabing ambush, na suspek ang Maute terror group. (ALI G. MACABALANG)