Monopolyo at ‘unliquidated fund’ ng POC, sinita ng Senado.
Ginisa ng mga miyembro ng Senate Committee on Youth and Sports, sa pamumuno ni eight-division world champion Senator Manny Pacquiao si Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco hingil sa isyu ng manipulasyon sa national sports association na siyang dahilan sa patuloy na pagbagsak ng antas ng Philippines sports.
Batay sa mga dokumentong natanggap ng Senado mula sa Commission on Audit (COA) at sa Philippine Sports Commission (PSC na ibinigay ng bagong lideratura sa pamumuno ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez, lumalabas na nagbigay ng milyon pondo ang pamahalaan direkta sa POC na mahigpit na ipinagbabawal ng batas.
Kabilang sa kinuwestyon ni Pacquiao ang P38 milyon na alokasyon na ibinigay ng PSC na noo’y pinamumunuan ni Richie Garcia sa POC para gamitin sa hosting ng Asian Games Centennial celebration noong 2013. Sa kabuuan, may P129 milyon financial assistance ang PSC sa POC.
“Ito ho bang pagbibigay ng direktang financial assistance ng PSC sa POC ay legal?,” tanong ni Pacquiao.
“Kung ito’y legal, nararapat naman sana na properly liquidated ito. Pondo kasi ito ng pamahalaan na galing sa taong-bayan,” ayon kay Pacquiao.
Iginiit ni POC chairman Tom Carrasco ng triathlon na ‘properly liquidated’ ang lahat ng financial assistance na nakuha ng POC sa PSC, ngunit ayon sa COA may P1.7 milyon pa ang hindi nairereport sa kanilang tanggapan.
Tikom naman ang bibig ng POC leadership kung legal na proseso ang pagtanggap ng direktang tulong sa PSC.
Ayon kay Ramirez, nakasaad sa batas na ang pagbibigay ng financial assistance ay hindi sa POC bagkus sa national sports association o sa mga atleta.
Kinuwestyun din ni Senator Antonio Trillanes ang isyu ng monopolyo ng POC sa mga NSA na kinatigan ni amateur boxing secretary-general Ed Picson.
“Kami nga po ay nagtataka kung sino ang dapat sundin ang POC o ang PSC. Sa amin po kasi, approved na ang P1.2 milyon ng PSC Board para sa training ng atleta sa US, pero hindi namin nakuha kasi ayaw ni Cong. Peping,” sambit ni Picson.
Iginiit naman ni dating athletics chief Go Teng Kok na ang mga NSA na may ‘unliquidated’ sa PSC ang mga tagasunod ni Cojuangco dahil muli itong nakakakuha ng pera sa PSC kung may basbas ng POC.
Sinabi naman ni swimming league chairman Nikkie Coseteng na pinagbawalan ng POC ang mga atleta ng UAAP upang hindi lumahok sa koponan na ipinadadala nila sa World Universiade matapos tangihan ng internatiobnal federation na ang POC ang kausapin para sa pagbuo ng team.
Itinanggi ni Cojuangco ang lahat ng alegasyon at sinabing ginagampanan nila ang responsibilidad ng isang Olympic body.
Nagkainitan sa pagitan nila Cojuangco at Trillanes nang hindi sagutin ng una ang tanong ng Senador kung ano ang huling katayuan ng bansa sa SEA Games.
“If you cannot answer my question I will sight you incontempt,” pahayag ni Trillanes.
“Kung sa POC nagagawa mong maghari at magmonopolyo, hindi puwede yan dito sa Senado,” aniya. (Edwin Rollon)