Kinailangan ng Emilio Aguinaldo College-ICA ng limang sets bago napayukod ang dating co- leader at defending champion University of Perpetual Help, 25-23, 19-25, 23-25, 25-21, 17-15, kahapon upang masolo ang liderato ng juniors division ng NCAA Season 92 volleyball tournament sa San Juan Arena.
Nagtala si Edwin Rebposura ng 19 hit, tatlong block at dalawang ace para sa game high 24 puntos at sandigan ang Brigadiers tungo sa ikatlong dikit na panalo.
Nag- ambag ng tig-13 puntos sina Ceejay Hicap, Francis Casas at Dan Abarro, habang kumana si Ralph Pitogo ng 12 puntos.
Dinomina ng Brigadiers ang Junior Altas sa hit, 63--45 , ngunit nagawang sumabay ng huli sa dami ng turnover ng una na nakagawa ng 44 kumpara sa kanilang 24.
Bunga ng kabiguan, bumaba ang Junior Altas sa ikatlong puwesto kapantay ng Letran sa barahang 2-1. (Marivic Awitan)