Erediano, kampeon sa Triathlon at Cycling.

TAGUM CITY, Davao Del Norte – Dalawang ginto sa magkaibang sports.

Walang problema para sa 12-anyos na si Moira Frances Erediano ng Cebu Province na tinaguriang ‘Super Girl’ ng Batang Pinoy matapos angkinin ang gintong medalya sa cycling at triathlon ng grassroots sports development program ng Philippine Sports Commission (PSC).

Nadomina ni Erediano ang 13-under criterium race sa cycling sa unang araw ng kompetisyon nitong Linggo bago nagbalik sa playing field at tanghaling kampeon sa girls 13-under class ng triathlon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Napantayan ni Erediano ang record na nagawa ni Yuan Chiongbian ng Cebu City sa boy’s triathlon bago sumali sa road race ng cycling upang makapag-uwi ng apat na gintong medalya sa torneo na inoorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC).

Tinalo ni Erediano si Alison Noble ng San Fernando City, La Union at Jeanna Mariel Canete ng Cebu Province.

Hindi naman nakapaglabas ng opisyal na resulta ang technical group ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) dahilan para magkaroon ng kalituhan sa nagwagi sa girls 17-under category

Ikinadismaya ni Cebu Province coach Roland Remolino ang muntik nang pagkadiskuwalipika ng kanyang atleta na kalaunan’y idineklarang panalo sa laban.

Iginawad ng TRAP ang gintong medalya kay Karen Andrea Manayon matapos maresolba ang isyu ng ‘penalty’ sa mga kalahok sa 400km swim, 12km bike at 3km run. “Hindi daw maibibigay ang ginto kay Karen (Manayon) dahil may 20 seconds penalty eh! kitang-kita naman na malayo ang agwat niya doon sa pumangalawa at saka may penalty din iyung mga sumusunod sa kanya,” pahayag ni Remolino.

Tinalo naman ng 14-anyos at Grade 8 sa Talisay City National High School na si Manayon na nasa kanyang ikalawa na pagsali sa Batang Pinoy si Everly Janirie Macalalad ng Muntinlupa City at ang nahubaran ng korona na tatlong sunod na kampeon na Nicole Eijansantos ng Quezon City.

Nagwagi naman sa 11-12 category si Zedrick James Borja mula San Pedro, Laguna habang ikalawa at ikatlo sina Ian Paul Revadonia ng General Santos City at Matthew Justine Hermosa ng Cebu Province.

Napunta ang ginto sa 13-15 category kay Juan Francisco Baniqued ng San Pedro, Laguna habang ikalawa at ikatlo sina Eduward Moritz Leuenberger ng Davao City at si Joshua Alexander Ramos ng Baguio City. (Angie Oredo)