SA halip na ang mga isyu tungkol sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP) ang talakayin at pagtuunan ng pansin at pagtatanong ng mga kongresista sa kanilang pagdinig noong Nobyembre 24, isinentro ang mga pagtatanong kay Ronnie Dayan, former driver-bodyguard-lover ni ex-Justice secretary at ngayon ay Senator Leila de Lima, tungkol sa kanilang relasyon. Ganito ba ang uri ng ating mga Kagalang-Galang (o Kagulang-Gulang) na mga mambabatas na sa English ay tinatawag na Honorable (o Horrible) Congressmen?

Ang dapat ginawa ng mga kongresista ay pigain nang husto si Dayan hinggil sa pagkakasangkot ni Delilah, este De Lima, sa kalakalan ng bawal na droga sa NBP para umano makalikom ng pondo para sa pagtakbo sa pagkasenador. Marahil ay nalaman ng “Horrible Congressmen” na wala silang mapipiga mula kay Dayan, na isinangkot ng mga convicted felon at convicted drug lord/prisoner na iniharap sa unang pagdinig sa Kamara ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II.

Matindi ang pagtanggi ng dating driver-bodyguard-lover ni Sen. De Lima sa mga alegasyon na siya ang nagsilbing bagman at collector ng drug money mula sa mga drug lord sa Bilibid para gamitin sa planong pagtakbo sa eleksiyon sa 2016.

Kahit anong piga at pangungulit kay Dayan, sinabi niyang hindi niya kilala ang mga high-profile drug lord/prisoner sa NBP, tulad nina Herbert Colangco, Col. Magleo, Jaybee Sebastian, at iba pa na tumestigong siya ang tagakolekta ng drug money para sa kanyang among si Sen. De Lima.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May ‘purpose’ na itinakda ang Diyos sa buhay mo

Gayunman, hayagang inamin niya na limang beses siyang tumanggap ng pera mula sa drug lord na si Kerwin Espinosa.

Hindi niya alam noong una na drug money ito dahil hindi naman niya kilala si Kerwin kundi bilang isang engineer o supporter ni Sen. Leila. Ayon sa driver-lover, naganap ang abutan ng pera mula kay Kerwin noon pang 2014. Taliwas ito sa pahayag ni Espinosa na nangyari ito noong 2015.

Samantala, sa pagdinig ng Kamara, isang kongresista na nag-ala-Makata pa ang nagtanong kay Dayan kung ang pag-iibigan nila ni De Lima ay “wagas, tapat at dalisay”. Tumugon si lover boy na para sa kanya, ito ay “wagas, tapat at dalisay”, relasyong tumagal ng pitong taon. Isa pang “ulol” na mambabatas ang nagtanong kay Dayan kung anong “intensity”, kumbaga sa lindol, ang sukdulan ng pagmamahalan (o pagtatalik). Atubiling tumugon si Dayan, pero napilitang sabihing ito ay “intensity 5” na sinuklian ng tawanan ng mga kongresista at ng mga nanonood/nakikinig.

Anong uri ng pagtatanong ito ng mga Kagulang-Gulang, este Kagalang-Kagalang na miyembro ng Kongreso? Sabi ng mga tao, karamihan sa kanila ay may isa o dalawang kerida (mistresses). At marahil din daw, sa panig ng lady... solons, meron din silang itinatago. ‘Di ba nila alam na maging sina ex-President Joseph Estrada at President Duterte ay may mga “kaibigang ding babae” na minahal at minamahal?

Dahil sa matitinding “sexual innuendoes” tungkol sa relasyong De Lima-Dayan, pinagsabihan ni Rep. Reynaldo Umali, chairman ng komite, ang mga kasapi na obserbahan ang “proper decorum”. Sa social media naman, dismayado ang maraming netizen na nagkomento na ang House hearing ay isang “Telenovela meant to steer the public’s attention away from the Marcos burial.” (Bert de Guzman)