HINDI nakadalo si President Rodrigo Roa Duterte sa traditional Asian Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit family photo sa Lima, Peru, na roon ay magkakasama ang mga lider ng buong bansa sa larawan.

May hinala ang mga observer na sinadya ni Mano Digong na hindi sumama sa photo dahil ayaw niya makita o makasama si US Pres. Barack Obama na “hate na hate” niya dahil sa pakikialam sa kanyang drug war. Idinahilan ng Pangulo na inaantok siya at may jet lag dahil sa mahabang oras ng biyahe.

Gayunman, nagpakuha siya ng larawan kasama ang idolong si Russian Vladimir Putin at Chinese Pres. Xi Jinping. Nang malaman ni ex-Pres. Fidel V. Ramos na hindi dumalo ang kanyang political protege sa Apec Summit Leaders’ family photo, muntik na raw masindihan ni FVR ang laging walang sinding tabako. Isa raw malaking disappointment si Du30 sa hindi pagdalo sa dahilang may jet lag o migraine. Hindi ba laging idinadahilan ni Pres. Rody na may migraine siya kapag ayaw niyang dumalo o makipag-usap sa mga tao na ayaw niya, tulad ng hindi niya pagsipot sa interview sana niya kay Kris Aquino kamakailan sa Davao City? Ginawa na rin niya ito noong Setyembre sa Asean leaders dialogue sa Laos.

Sa halip na magkaisa ang mga Pilipino sa paglilibing kay ex-Pres. Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB), sumiklab ang galit at muling pagkakawatak-watak ng mga mamamayan bunsod ng bigla, mabilis at patagong paghihimlay sa diktador.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Akala ni Mano Digong ay mapaghihilom ng FM burial ang sugat na likha ng diktadurya na sumupil sa kalayaan ng mga Pinoy, nagtanikala sa demokrasya, at kumitil sa libu-libong kabataan at kritiko bukod pa sa libu-libo ring nangawala (desparacidos) na hanggang ngayon ay hindi batid ng mga pamilya kung nasaan ang mga bangkay.

Bulalas nga ng isang naghihinagpis na ina: “Buti pa ang mga Marcos, may bangkay na ililibing, ako kahit buto ng anak ko ay wala.”

Mali pa rin si RRD nang sabihin niya (uulitin ko) na ang gusot at away sa FM burial ay dahil lang sa sigalot ng Aquino at Marcos Families. Maling-mali ito sapagkat buhay pa ang mga pamilya ng mga biktima ng martial law na pinatay, ikinulong, sinaktan at kinuryente ang mga ari ng lalaki at babae noong Marcos regime.

Maniniwala pa at matatanggap ng mga Pinoy kung pormal niyang aaminin na ang pagpayag niyang maihimlay ang diktador sa LNMB ay utang na loob niya sa mga naiwan ni Marcos dahil tinulungan siya nito noong kampanya.

Maliwanag na hindi lang si PNoy at sympathizers niya ang kontra sa FM burial. Maging si FVR ay nagpahayag na hindi tama ang desisyon ni Du30 na maihimlay ito sa LNMB. Para kay Mr. Tabako, insulto ito sa mga tauhan ng AFP at PNP na nagpatalsik noon sa diktador.

Samantala, naghain ng petisyon si Albay Rep. Edcel Lagman at ang kanyang grupo sa SC upang atasan ang Malacañang at AFP na hukayin ang “whatever was buried as Marcos remains” sa libingan. May paniwala si Lagman na baka wax remains lang ang inilagay sa LNMB, at ang tunay na labi ay nakahimlay na sa Batac, Ilocos Norte. Isa pang grupo na binubuo ng martial law torture victims ang naghain ng petisyon na sampahan ng contempt of court ang pamilya ni FM at govt. officials sa patagong pagpapalibing kay Marcos.

Tandaan na binigyan ng SC ang mga petitioner ng 15 araw upang maghain ng motion for reconsideration (MR), subalit hindi pa tapos ang 15 araw, ipinasiyang ilibing ang dating Pangulo.

Wala pang pinal na SC decision. Ayon kay Lagman at sa grupo, kailangang hukayin ang bangkay bilang pagdisiplina sa Marcos heirs at AFP na pumayag na ito ay ilibing bukod pa sa ito ay ‘di paggalang sa mga alituntunin ng SC hinggil sa MR. (Bert de Guzman)