NEW YORK (AP) – Naitala ng New York Knicks ang ikalimang sunod na panalo sa Madison Square Garden nang maungusan ang Portland Trail Blazers, 107-103, nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Hataw si Kristaps Porzingis sa naiskor na 31 puntos para sandigan ang Knicks sa ikapitong panalo sa 14 na laro.

Nag-ambag si Carmelo Anthony ng 17 puntos, habang tumipa si Derrick Rose ng 18 puntos.

Natamo ng Blazers ang ikalimang kabiguan sa road game at ikawalo sa kabuuang 16 laro.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kumubra si Damian Lillard ng 22 puntos, habang umiskor si CJ McCollum ng 16 para sa Portland.

LAKERS 111, THUNDER 109

Naisalpak ni Nick Young ang three-pointer sa krusyal na sandali para sandigan ang Los Angeles Lakers kontra Oklahoma City Thunder.

Nagawang maghabol ng Thunder sa final period at naagaw ang bentahe sa 109-108 mula sa putback ni Steve Adams may 13 segundo ang nalalabi sa laro.

Ngunit, nakabawi ang Lakers mula kay Young, kumubra ng 17 puntos, para maitakas ang panalo sa Los Angeles.

May limang segundo ang Thunder para mabaligtad ang resulta, ngunit sumablay ang tira ni Russell Westbrook, nanguna sa OKC sa naiskor na 35 puntos at 13 assist.

Anim na Lakers ang nakaiskor ng double digits, kabilang sina Jordan Clarkson at Timofey Mozgov sa naiskor na 18 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.

PELICANS 112, HAWKS 94

Sa Atlanta, nahila ng New Orleans Pelicans, sa kabila nang pagka-bench ni Anthony Davis dahil sa injury, ang winningh streak sa tatlo nang pabagsakin ang Hawks.

Nanakit ang kanang tuhod ni Davis dahilan para ilabas siya sa first quarter, ngunit nanatiling matikas ang Pelicans, sa pangunguna nina Tim Frazier at Terrence Jones para masungkit ng Pelicans ang ikalimang panalo sa 15 laro.

Nagsalansan si Frazier ng 21 puntos mula sa 7-of-12 shooting, habang umiskor si Jones ng 17 puntos.

Nanguna sa Hawks sina Dennis Schroder at Kyle Korver na kumana ng tig-14 puntos.