Himalang nakaligtas sa kamatayan ang isang tricycle driver na testigo sa pagpatay, makaraan siyang tambangan ng riding-in-tandem sa Quezon City, dakong madaling araw kahapon.

Kinilala ni Supt. Lito E. Patay, hepe ng Quezon City Police District (QCPD)-Station 6 (Batasan), ang biktimang si Roger Abonitalla, 37, taga-Barangay Commonwealth.

Kaagad na naisugod ng mga residente sa ospital si Abonitalla at pinalad na makaligtas sa tatlong tama ng bala na kanyang tinamo.

Base sa inisyal na ulat ni SPO1 Darmo Cardenas, ng QCPD-PS6 Tactical Operation Communication (TOC), dakong 2:30 ng umaga at sakay sa kanyang tricycle si Abonitalla sa Golden Shower Street sa Payatas-B nang biglang sumulpot ang armadong riding-in-tandem.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Walang sabi-sabing pinaulanan ng bala ng mga suspek ang nabiglang biktima, na kaagad na napahandusay, bago humarurot palayo ang mga salarin.

Nabatid sa pagsisiyasat ng pulisya na posibleng isang alyas “Ganster” ang nasa likod ng tangkang pamamaslang kay Abonitalla, dahil nasaksihan umano ng huli ang pagpatay ni Ganster sa isang tao sa lugar kamakailan. (JUN FABON)