“ONLI in da Pilipins!”.
Kasabay ng makapilipit-leeg na pag-iling ay ito ang walang kagatul-gatol na naibulalas ng kaibigan kong empleyado ng Philippine National Railways (PNR) na nakasama sa inspection trip noong Biyernes sa daraanan ng tren na biyaheng Bicol-Manila to Naga City route—na uumpisahan sana sa Disyembre 15, 2016.
Inabot daw kasi ng siyam-siyam ang kanilang biyahe sa dami ng sagabal sa mismong gitna ng mga riles na dinaraanan ng tren, at maging sa mga gilid ng mga lugar dito na pag-aari naman ng PNR. Makailang ulit silang tumigil upang makiraan o ‘di kaya naman ay makiusap sa mga taong naglagay ng mga sagabal sa dinaraanan ng tren.
Lumaki ako sa tabing riles sa Tondo, Maynila noong dekada ’60, at ang panonood sa mga dumaraang tren sa aming lugar ang isa sa aking naging libangan. Nakapagkit pa hanggang ngayon sa aking alaala ang magkakasunod na biyahe araw-araw ng mga tren, na umaapaw sa pasahero ang mga kotse (coaches) at sa kargamento ang mga bagon. Mga kargamentong pawang produktong pangkalakalan mula sa Timog Katagalugan at Kabikulan — mga gulay, niyog, at prutas; mga hayop na gaya ng baboy, baka, manok, at kambing — para sa mga taga-Metro Manila at karatig lalawigan sa Hilagang Luzon.
Ang ilan nga sa mga taong naging dahilan ng pagkabalam sa biyahe ng “inspection train” ay may gana pang magalit at magtaas ng boses dahil naistorbo sila at nagalaw o nasira ‘yung mga animo barikadang pinaglalagay nila sa mga lugar na ito. May mga bahay kasing ilegal nang nakatayo sa gilid ng riles at may mga bahagi pang nakausli sa riles at siguradong tatamaan o sasayad sa tumatakbong tren. Kinailangan pang ipatanggal o tuluyang ipagiba ang mga ito upang makaraan ang tren.
Marahil, sa tagal kasing walang tumatakbong tren sa mga riles na ito, inaakala na ng illegal settlers sa lugar ng PNR na matatagalan pa bago ito muling magamit kaya maaari na nilang gawin muna, kahit “pansamantagal”, ang kahit anumang naisin nila.
Partikular ang mga sitwasyong ganito sa mga lugar na tinatakbuhan ng tren sa Laguna, bago pa man makapasok sa lalawigan ng Quezon. Mismong si PNR officer-in-charge Josephine Geronimo, na nanguna sa inspection trip, ang nakaranas ng animo’y malubak-lubak na biyaheng ito kaya sinabi niyang makikipag-ugnayan ang kanyang opisina sa mga lokal na pamahalaang nasa rutang daraanan ng mga bibiyaheng tren ng PNR sa susunod na buwan, upang mapag-usapan ang problema.
(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]) (Dave M. Veridiano, E.E.)