KAPANALIG, bigyang-pansin naman natin ang mga hinaing ng mga maralita, lalo na ang mga isyung may malaking epekto at impluwensiya sa buhay nila.

Marami sa ating kababayang maralita ang hirap maka-access sa mga batayang serbisyo, gaya ng health services. Isa sa malalaking barrier o hadlang dito ang nararanasang disrespeto at pang-aabuso mula sa mga taong dapat ay kumakalinga sa kanila.

Ang “attitude” ng ilang health care worker ay isa sa mga bagay na nakaka-intimidate sa kanila, lalo na sa aspeto ng maternal care. Marami ang nakararanas ng diskriminasyon, panghihiya at at pagpapabaya dahil sa iba’t ibang salik, mula sa kahirapan ng kliyente at pagiging overworked ng mga health care service providers.

Base sa isang survey report ng USAID noong 2012, ang pangyayaring ito ay hindi eksklusibo sa mahihirap na bansa. Ito ay nangyayari sa mga bansang maykaya rin. Ilan sa mga insidente ng disrespeto na nakita ng survey ay physical abuse, non-consented, non-confidential at non-dignified care, at pati detention sa mga health facilities kapag hindi nakapagbayad ang pasyente.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May ‘purpose’ na itinakda ang Diyos sa buhay mo

Sa mga ganitong pagkakataon, mas mapanganib ang mga maralita. Wala kasi silang magagawa kundi pumunta sa mga public health facilities kung saan libre ang serbsiyo. Ang masaklap, marami ring hinaharap na isyu ang mga public health service provider natin kaya mas expose sila sa “stressful conditions” na nakakaapekto rin sa kanilang pakikutungo sa mga pasyente.

Kaya ang health care system natin ay kailangan ng atensiyon. Ayon sa World Health Organization, kailangan ng mas malakas at malawig na suporta mula sa gobyerno at mga development partner upang mas masaliksik pa at mabigyang-lunas ang isyu ng pang-aabuso sa mga pasyente. Kailangan din ng mga programa upang maitaas pa ang kalidad ng health care at mabigyan pa ng atensiyon ang karapatan ng mga pasyente.

Ang health care ay ukol sa kabutihan ng tao. Kung ang pasyente at health worker ay hindi nabibigyang-dangal, pare-pareho tayong talo. Hindi lamang mas malaking bilang ng sakit, maternal deaths o infant deaths ang ating kakaharapin, kundi isang lipunang lipol sa mga taong walang-awa at malasakit sa kapwa.

Ang pagbigay-atensiyon sa sitwasyon ng pasyente at health care provider ay pagbibigay-respeto sa dignidad ng tao. Ito ay pagsasabuhay ng ‘charity at justice’ o pagmamahal at katarungan, na mahahalagang prinsipyo ng Panlipunang Turo ng Simbahan. Gawin nating inspirasyon ang mga kataga mula sa Pacem in Terris: Upang maging maayos ang ating lipunan, nararapat na tayo ay gumalang sa dignidad ng tao na puspos ng pagmamahal, at sa ilalim ng gabay ng katarungan.

Sumainyo ang Katotohanan. (Fr. Anton Pascual)