SA walang kamatayang “Florante at Laura” ng kababayan kong si Balagtas (Francisco Baltazar), ganito ang kanyang ibinulalas: “Oh, Pag-ibig na makapangyarihan, ‘pag ikaw ang nasok sa puso ninuman, hahamaking lahat masunod ka lamang.” At ito ay nagkatotoo sa kagalang-galang ng noon ay Kalihim ng Department of Justice (ngayon ay Sen. Leila de Lima) at sa kanyang driver-bodyguard- lover niya (Ronnie Palisoc Dayan) ng ilang taon. Tunay walang hanggahan (border) ang pag-ibig kahit si babae ay mataas na opisyal ng gobyerno kapag tinamaan ng pana ni Kupido!
Sabi nga ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko na agad namang sinang-ayunan ni senior-jogger matapos lumagok ng kape. Maituturing daw ang ugnayang De Lima-Dayan bilang “Pambansang Relasyon”. Hindi ba meron ding dakilang pag-ibig na isinulat noon ni Shakespeare, ang pagmamahalan nina Romeo at Juliet na nauwi sa isang trahedya? At sa Pilipinas, meron tayong si Malakas at si Maganda. Kaya lang, ang relasyon nina De5 at Dayan ay illegal daw dahil si lalaki ay kasal pa sa kanyang ginang kahit si senadora ay annulled na ang marriage.
Well, kung talaga raw determinado si President Rodrigo Roa Duterte na ganap na mawala sa Pilipinas ang salot ng illegal drugs na sumisira sa utak at kinabukasan ng mga Pinoy, lalo na ng kabataan, ang dapat pagtuunan ng pansin at pagsisikap kasama si PNP Director General Ronald “Bato” dela Rosa, ay ang paghahanap, paghuli, pag-uusig at pagpapatumba sa mga bigtime drug lord, suppliers, manufacturers.
“Kung walang shabu, cocaine suppliers, tiyak na walang shabu-cocaine na maibebenta ang mga pusher at walang magagamit na bawal na droga ang mga user,” sabi sa akin ng isang kaibigan mula sa United States minsang nagpunta ako sa bansa ni Uncle Sam. Tinanong niya ako kung bakit kayraming napapatay araw-araw na ordinaryong pushers at users subalit kakaunti ang mga report na may naitumbang drug lords, suppliers at manufacturers.
May katwiran ang kaibigan ko sapagkat kahit pagbabarilin at patayin ng mga tauhan ni Gen. Bato na parang manok ang mga pusher at user sa Metro Manila at iba pang parte sa ‘Pinas, hindi ganap na masasawata ang illegal drugs habang may shabu suppliers. Hindi raw tama ang katwiran ni Mano Digong na winawasak niya ang apparatus ng illegal drugs (meaning, pagpatay sa pushers at users) upang masugpo ang salot ng lipunan. Ang kailangan daw ay wasakin at bakbakin ang mismong makina ng bawal na gamot, at ito ay ang mga drug lord, suppliers at manufacturers.
Malapit nang matanggap ng may dalawang milyong SSS pensioners ang P2,000 increase na ipinagkait sa kanila ni ex-Pres. Noynoy Aquino na pinagtibay na ng Senado at Kamara noon. Inaprubahan na ito ng House committee on government enterprises and privatization, at inaasahang ganap na pagtitibayin ng Kongreso upang sa 2017 ay matanggap na ang kalahati ng halaga—P1,000 at ang nalalabing kalahati naman ay sa 2020. Kahit papaano, tinutupad ni President Rody ang pangako niya noong kampanya na ipagkakaloob ang P2,000 SSS increase kapag siya ang nahalal.
Isinusulong ni Mano Digong, sa tulong ni Speaker Pantaleon Alvarez, ang pagpapatibay sa pagbabalik ng parusang kamatayan (death penalty) na inalis noong panahon ni ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo. Komento ng ilang observer at analyst, hindi na kailangan ang batas na ito sapagkat araw-araw naman ay may pinapatay ang mga pulis kaugnay ng drug war. Gayunman, kailangan ang death penalty upang ipataw ito sa mga dayuhang nakagawa ng heinous crimes, gaya ng pagpatay, pagbebenta ng milyun-milyong halaga ng illegal drugs. Sa ibang bansa, parusang kamatayan ang hatol sa mga kaso ng illegal drugs. (Bert de Guzman)