Kulong at tortyur. Ito ang gunita ng maybahay ng dating University of the Philippines (UP) president sa martial law.
Si Ana Maria Nemenzo, 78, retiradong Philippine Science history teacher, ay isa sa maraming biktima ng martial law, na nasorpresa at nadismaya sa paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa Taguig City.
Humangos siya sa People Power Monument sa Quezon City, kung saan dumagsa rin ang kabataan upang kondenahin ang sekretong paghihimlay sa dating diktador.
Si Ana at asawa nitong si Dr. Francisco Nemenzo Jr., na UP president nang ideklara ang martial law, ay pawang aktibista na nagbibigay ng edukasyon sa kabataan hinggil sa kaganapan sa bansa sa ilalim ng rehimen ng dating strongman.
Tagumpay pa rin
Sa kasalukuyan, kung saan ipinuslit ang bangkay ni Marcos sa loob ng LNMB, sinabi ni Ana na isa pa rin itong tagumpay ng taumbayan.
“Hiding the burial to the Filipinos is somewhat a triumph. Because they know that if the people knew about this, a large crowd will stop them. It only shows that they are scared,” ayon kay Ana.
“This is the only way they could bury—taking everybody by surprise. They hid it to avoid the wrath of the people,” ayon pa kay Ana. “If they think this is healing, they are fooling themselves.”
Galit, nananaig pa rin
Sinabi ni Ana na nang marinig niyang ililibing na nitong Biyernes si Marcos sa LNMB, muling nabuhay ang poot sa kanyang dibdib.
Halos maiyak umano siya dahil nanumbalik ang alaala ng madilim na kasaysayan---at ito ay mistulang bumabalik.
‘Di nakalusot sa tortyur
Noong panahon ng martial law, nagtago umano silang mag-asawa matapos makatanggap ng babala na target sila ng mga kawal ni Marcos.
Ilang minuto matapos ang babala, dumating ang mga sundalo sa kanilang bahay, pero nakatakbo na silang mag-asawa, kasama ang mga anak na nag-eedad pa lang ng 11, 9 at 6.
Nang magtago, iniwan nila ang kanilang mga anak sa kamag-anak.
Nahuli lang silang mag-asawa nang inguso ng kanila ring kaibigan na lumalaban din sa Marcos government.
Gayunpaman, nilinaw ni Ana na ang kanilang kaibigan na nagnguso sa kanila ay dinukot, kasama ang buong pamilya, tinortyur---sabihin lang ang kinaroroonan ng mag-asawang Nemenzo.
Si Ana ay nakulong ng anim na buwan, samantala halos isang taon namang nakulong ang kanyang asawa na dumanas ng tortyur mula sa kamay ng high-ranking general.
“My husband told me that a general pointed a gun in his head. They kicked the chair where he was sitting. Then, he fell to his knees. He was about to get his glasses when they punched him in his head from behind,” ayon kay Ana.
Sa kabila ng pangyayari at makalabas sa kulungan, nagpatuloy sa laban ang mag-asawa.
Dark times
Sinabi ni Ana na nasaksihan niya ang pagsalakay ng mga sundalo sa mga eskwelahan.
Marami siyang kaibigang hinuli, ikinulong at minolestiya. Pinangalanan pa ni Ana ang ilan.
Binaril din umano ang kanyang panganay na anak na lalaki sa isang protesta sa Maynila. Muntik umanong mamatay ang kanyang anak dahil tinamaan ang kidney nito.
Pero nakaligtas ang kanyang anak na si Fidel na ngayon ay nagsisilbing Vice Chancellor ng UP-Diliman.
“The burial of Marcos is not healing. The burial was an affront and dehumanizing. You are just fooling yourselves,” mensahe ni Ana sa mga Marcos. (Jel Santos)