Isinugod sa pagamutan ang 115 katao matapos na malason sa pansit na inihanda sa isang outreach program sa Barangay Lumakil, Polomolok, South Cotabato, iniulat kahapon.
Ayon sa ulat ng Polomok Municipal Police, Biyernes ng gabi nang mangyari ang food poisoning sa nabanggit na lugar.
Sinabi ni South Cotabato Barangay Affairs Chief Jerry “Bong” Gamo na dumalo ang mga barangay health worker, katuwang ang 27th Infantry Battalion ng Philippine Army, sa outreach program sa Bgy. Lumakil sa Polomok bandang hapon.
Malaki ang paniniwala ng pulisya na ang pagkalason ay bunsod ng shell at pusit na kinain nila sa pansit na inihain sa nasabing outreach program.
Nakaranas ng sunud-sunod na pagsusuka at paulit-ulit na dumumi ang mga biktima matapos kumain ng pansit.
Nagpapagaling pa ang mga biktima, habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng South Cotabato Integrated Provincial Health Office (SCIPHO) sa insidente. (FER TABOY)