Tatangkain ni Philippine super flyweight champion Jonas Sultan na mabawi ang titulong hawak dati ng isang Pilipino sa paghamon kay IBO junior bantamweight champion Gideon Buthelezi sa South Africa.
Ngunit, kailangang patulugin ni Sultan si Buthelezi tulad ng ginawa ni dating IBO super flyweight champion Edrin Dapudong na pinatulog ang South African sa 1st round para matamo ang IBO belt.
Kilala ang South Africa sa mga bansang brutal sa hometown decision at hindi pa nagbabayad ng premyo kaya kataka-takang pumayag si Sultan na lumaban sa nasabing bansa.
Natamo ni Sultan ang Philippine super flyweight title nang talunin sa puntos si Rene Dacquel noong Hulyo 11, 2015 sa Mandaluyong City at minsan niya itong naipagtanggol nang patulugin sa 5th round si Rommel Oliveros sa Negros Occidental noong nakaraang Mayo 28.
Muli namang nakuha ni Buthelezi ang IBO super flyweight crown nang talunin niya sa puntos ang kababayang si Makazole Tete noong Disyembre 18, 2015.
May rekord si Buthelezi na 17-5-0 , kabilang ang apat na TKO, samantalang si Sultan na hindi pa napapabagsak sa lona ay may karta na 11-3-0. (Gilbert Espeña)