Cavs, nangunguna sa East; Bulls at Hawks, malupit.

CLEVELAND (AP) – Kahanga-hangang opensa ang naisakatuparan ng Cavaliers sa krusyal na sandali para masungkit ang 121-117 panalo kontra Toronto Raptors Martes ng gabi (Miyerkules sa Manila).

Naisalpak ni Channing Frye ang three-pointer mula sa assist ni LeBron James assist para sa 117-115 bentahe may 59 segundo ang nalalabi sa regulation.

Nasundan ito ng layup ni James mula sa assist ni Kevin Love para makaarya ang Cavaliers sa ligtas na katayuan may 34 segundo sa laro tungo sa ikasiyam na panalo sa 10 laro para sa pinakatikas na marka sa kasalukuyan sa Eastern Conference.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Tumapos si Frye na may 21 puntos mula sa 7-of-10 shooting, kabilang ang 5-of-8 sa three-point area.

Kinapos naman si James ng isang rebound para sa triple double sa naiskor na 28 puntos at 14 assist para walisin ng Cavaliers ang serye kontra sa Raptors ngayong season. Ito ang ikaanim na panalo sa pitong home game ng Cavs.

Nag-ambag si Kyrie Irving ng 24 puntos, habang tumipa sina Love at Tristan Thompson ng 19 at 15, ayon sa pagkakasunod.

Nanguna sa Raptors si Kyle Lowry sa naiskor na 28 puntos, habang kumubra si DeMar DeRozan ng 26 puntos.

BULLS 113, BLAZERS 88

Sa Chicago, nadepensahan ng Bulls si Damian Lillard sa kaagahan ng laro tungo sa dominanteng panalo kontra Portland Blazers.

Nabokya si Lillard, nangungunang scorer ng Blazers, sa depensa nina Jimmy Butler at Taj Gibson, sa first period kung saan nagmintis ang unang walong tira ng premyadong point guard.

Sa sandaling tumatama na ang tira ni Lillard, umarya na ang Bulls sa pinakamalaling 25 puntos na bentahe.

Nanguna si Butler sa nakubrang 27 puntos, habang humirit si Dwyane Wade ng 19 marker.

Kumubra lamang si Lillard ng 19 puntos, habang umiskor si CJ McCollum ng 17 puntos.

HORNETS 115, WOLVES 108

Sa Target Center sa Charlotte, tumipa sina Kemba Walker at Nicolas Batum ng tig-anim na three-pointer sa panalo ng Hornets kontra Minnesota Wolves.

Naging dikitan ang laban sa final period at naagaw ng Minnesota ang bentahe sa 93-92 may 7:30 sa laro.

Tumipa si Frank Kaminsky sa rainbow area at nakumpleto ang three-point play para sa 108-102 bentahe ng Charlotte.

Hataw si Walker sa naiskor na 30 puntos, habang umiskor si Kaminsky ng season-high 20 mula sa bench.

HAWKS 93, HEAT 90

Nahila ng Atlanta Hawks ang winning streak sa lima nang maungusan ang Miami Heat.

Nagsalansan si Dennis Schroder ng 18 puntos mula sa 7-of-15 shooting para sa ikatlong sunod na panalo ng Hawks at ikawalo sa 10 laro sa kabuuan.

Patuloy naman ang panlalamig ng Heat sa anim na sunod na laro.

Nanguna sina Hassan Whiteside at Josh Richardson sa naiskor na tig-19 puntos.