KINATIGAN ng Korte Suprema si Pangulong Digong sa desisyon nitong ipalibing si Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB). May batayan naman daw dahil bukod sa naging Pangulo ng bansa, si Marcos ay naging congressman, senador, Senate President at Commander-in-Chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Iyon nga ang napakalaking problema kaya mahigpit na tinututulan na masama sa mga nalibing na ang kanyang labi sa LNMB. Sa halip na pangalagaan niya at ipagtanggol ang kanyang mamamayan bilang Commander-in-Chief ng AFP, ginamit niya ang kanyang kapangyarihan laban sa mga ito. Puwersahan niyang pinalawig ang kanyang panunungkulan bilang Pangulo at ang lahat ng tumutol dito ay ikinulong, nangamatay at nangawala.
Ang kanyang mga ginutom, dahil iilan lang silang nakinabang sa kayamanan ng bansa, ay ganoon din ang naranasan nang magreklamo na sila. Bumaha noon sa bansa ng luha at dugo ng mamamayan.
Kaya nang mapatalsik ng People Power si Pangulong Marcos, gumawa ang taumbayan ng Saligang Batas upang siya at ang kagaya niya ay hindi na makabalik at magawang muli ang kanyang ginawa.
Hindi totoo na walang batas na nagbabawal na ilibing siya sa LNMB. Ang Saligang Batas mismo ang nagbabawal at hindi ang pagkapanalo ni Pangulong Digong ang nagpapahintulot nito. Sa nasabing Saligang Batas, ang sinumang Pangulo ay hindi na basta-bastang magagamit ang kanyang pagiging Commander-in Chief ng AFP para iproklama ang martial law, na ginamit ni Pangulong Marcos nang agawan niya ng kapangyarihan ang taumbayan. Ang Kongreso ang may kapangyarihan nang ibasura ang kanyang proklamasyon. Ang Korte Suprema rin, sa petisyon na kahit sino, ay pwedeng repasuhin ang batayan ng pagsuspinde sa writ of habeas corpus.
Dahil namuno sa bansa si Pangulong Marcos hindi batay sa pahintulot ng taumbayan na pinakabuod ng demokrasya, kundi sa pananakot sa kanila, sumandig siya sa puwersa ng militar. Pero, kailangang maging tapat ang mga sundalo sa kanya.
Upang masiguro niya ito, halos lahat ng sundalong kinuha ng kanyang gobyerno ay galing sa kanyang rehiyon. Karamihan sa kanila ay mga Ilokano.
Kaya, upang sirain ito, iniatas ng Saligang Batas na ang mga sundalo, kung maaari ay magbuhat sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Kaakibat ng pagogobyerno ni Marcos ay ang hindi mapapantayang katiwalian. Sinarili nila ang kaban ng bayan at kung gastusin nila ang salapi ng mamamayan ay parang salapi nila. Kaya, dalawang... batayang prinsipyo ang iniukit ng sambayanan sa Saligang Batas, ang transparency at accountability.
May mga pumula sa naging itsura ng ating Saligang Batas, mahaba raw at madetalye ang kanyang mga probisyon. Pero, ginawang ganito ito upang mapasakan ang lahat ng batas at mawalan ng oportunidad ang kagaya ni Marcos na gamitin ang gobyerno sa kanyang pansariling kapakanan.
Pero, nang pahintulutan na ni Pangulong Digong, sa tulong ng Korte Suprema, na ilibing si Marcos sa LNMB, pinabalik nila ito para tularan ng iba.(Ric Valmonte)