Nawala man sa line-up ang dating MVP na si Justin Baltazar, nanatiling matikas ang defending juniors champion Nazareth School of National University sa UAAP Season 79 juniors basketball tournament.
Sinimulan ng Bullpups ang title-retention bid sa pamamagitan ng 50-puntos na pagdurog sa University of the East Junior Warriors, 104-54 noong Sabado ng hapon sa San Juan Arena.
Sa first half pa lamang, nanalasa na ng husto ang Bullpups at nakuha pang lumamang nang hanggang 52 puntos pagdating ng second half matapos limitahan sa tatlong puntos ang Junior Warriors sa third quarter.
“Okay naman pero still? malayo pa eh. Marami pa rin kaming kailangan gawin at ayusin. We have to prepare every game na lang kasi kahit papaano lumakas lahat ng kalaban namin,” pahayag ni NU head coach Jeff Napa.
Pinanindigan ni John Clemente ang pagiging bagong lider at star player ng NU matapos magposte ng 21 puntos.
Nag-ambag naman ang kanyang kasanggang si Rhayyan Amsali ng 19 puntos habang nagtapos na topscorer para sa UE si Genesis Vinte na nagtapos na may 17 puntos. (Marivic Awitan)