ISANG kamag-anak ng isa sa mga biktima ng karumal-dumal na Mamasapano massacre ang nagpapasaklolo upang matamo ang katarungan para sa 44 Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP).

Ang naturang SAF relative na kamakalawa lamang ay dumalo na naman sa isang media forum ay maliwanag na nagmamalasakit din sa iba pang pulis na sinasabing pinaslang ng mga bandidong Muslim noong Enero 2015; ipinarating niya sa amin ang matinding pagkainip ng mga naulila ng tinaguriang SAF 44 na natitiyak kong nagbibiling-baligtad pa hanggang ngayon dahil nga sa mabagal na hustisya.

May pakiusap ang naturang SAF relative upang ang ating media group ay dumulog kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay nga ng tila usad-pagong na paglilitis sa asunto ng mga biktima ng Mamasapano tragedy. Tahasan kong sinabi sa kanya na hahanap tayo ng tulay, wika nga, upang untagin ang administrasyon at ang mga kinauukulang ahensiyang pangkatarungan kaugnay ng nasabing kaso.

Nagkataon na si Pangulong Duterte ay nagpahiwatig na rin ng pagkainip at pag-aalinlangan sa nabanggit na malagim na insidente. Maliwanag na ito ang dahilan sa binabalak niyang pagbubukas ng Mamasapano investigation. Nais niyang mabatid ang katotohanan tungkol sa malagim na Oplan Exodus; kung sino ang nakakuha ng $5 million reward na ipinagkaloob ng US government para sa pagpatay sa teroristang si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan; kung talagang nakuha ng Special Forces ang daliri ni Marwan o kung ito ay dinala sa forensic division ng Camp Crame.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kapani-paniwala na ang planong pagbubukas ng Mamasapano case ay naglalayong mailantad ang katotohanan sa nabanggit na masalimuot na operasyon, kabilang na ang sinasabing iba pang umano’y kasinungalingan na dapat malaman ng sambayanan; hindi upang imbestigahan ang umano’y mga kasangkot sa nasabing masaker.

Maging ang mga alagad ng Simbahan o Catholic prelates ay kumakatig sa pagbubukas ng Mamasapano incident. Naniniwala sina Lipa Archbishop Ramon Arguelles at Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez na marapat mabatid ng mga pamilya ng SAF 44 ang katotohanan.

Maliliwanagan ang nabanggit na mga karaingan, pagdududa at sinasabing mga kasinungalingan kung pabibilisin ang paggulong ng mga paglilitis laban sa inihablang mga kasangkot sa malagim na Mamasapano incident na kinabibilangan ng mga opisyal ng nakaraang administrasyon. (Celo Lagmay)