SINIMULAN na ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Sen. Ping Lacson ang imbestigasyon tungkol sa pagpatay kina Leyte Albuera Mayor Rolando Espinosa, Jr. at Raul Yap habang sila ay nakapiit sa Leyte Provincial Jail.
Kasama noon ng komiteng ito ang Senate Committee on Justice and Human Rights na ang dating chairperson ay si Sen. Leila de Lima na nag-iimbestiga naman ng extrajudicial killing. Nang iharap ng Senadora si Edgar Matobato bilang testigo sa mga umano’y nangyaring extrajudicial killing sa Davao na kagagawan umano ni Pangulong Digong noong siya pa ang alkalde rito, pinagtulungang alisin ng mga kaalyado ng Pangulo sa Senado ang Senadora. Hindi raw patas ang pagpapatakbo niya ng komite at ang kanilang ipinalit ay Sen. Richard Gordon. Dahil “damaged goods” daw si Matobato at maraming butas ang kanyang testimonya, ayon kay Gordon, inabsuwelto niya ang Pangulo sa ipinaparatang sa kanyang mga pagpatay.
Ngayon naman, nagsalita na si Pangulong Digong sa ginawang pagpatay ng mga elemento ng CIDG, Region 8 kina Espinosa at Yap. “Walang overkill sa nangyaring pagpatay, “wika niya.
Dalawampung miyembro ng CIDG, Region 8 ang sumalakay sa Leyte Provincial Jail taglay ang nakuha nilang search warrant sa korte. Ang kanilang layunin ay halughugin ang seldang kinaroroonan ng dalawa batay umano sa impormasyong nakalap nila na ang mga ito ay may mga baril at ilegal na droga. Madaling araw nang isilbi nila ang search warrant. Sinira nila sa pamamagitan ng bolt cutter ang kandado ng piitan kaya sila nakapasok. Mula nang makapasok sila sa piitan ng humigit kumulang 3:00 ng madaling araw hanggang 7:00 ng umaga, dinisarmahan nila, pinahilera sa pader at pinaluhod ang nagbabantay ng piitan. Nasa ganitong posisyon ang mga bantay nang pasukin nila ang seldang kinalalagyan ng mga biktima, at nagputukan na. Binaril daw nila ang mga ito dahil sila ay nanlaban.
Para maging patas daw ang imbestigasyon, inatasan ni DoJ Secretary Vitaliano Aguirre ang kanyang departamento na gumawa ng sariling imbestigasyon. Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Internal Affairs Service (IAS) ng PNP, ang Crime Investigation and Detection Group (CIDG), Commission on Human Rights (CHR), at National Police Commission (NAPOLCOM).
Hindi ko alam kung saan hahantong ang maramihang imbestigasyong isinisagawa ngayon. Nagsalita na si Pangulong Digong na walang masama sa nangyaring operasyon ng CIDG, Region 8 at inaako niya ito. Magagawa kaya ng kahit sino sa mga nag-iimbestiga na ilabas sa kanyang imbestigasyon na mali ang ginawa ng mga pulis at ang pagpatay sa mga biktima ay simpleng murder?
Higit sa lahat, matapang kaya niyang isisiwalat, kung sakali mang lumabas sa kanyang imbestigasyon ang utak ng pagpatay at ang mga naulila ng mga napatay ay makakakuha ng hustisyang hinahanap nila para sa kanila? MALABONG-MALABO. (Ric Valmonte)