Kung sapat ang ebidensiya na rubout ang nangyari sa pagkakapatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr. sa loob ng piitan, dapat lang na kasuhan ang mga ito, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunman, binigyang-diin ng Pangulo na naninindigan siya sa bersiyon ng pulisya sa insidente.

“Let me state my case as the chief executive of the executive branch: I believe in the version of the police,” sinabi ni Duterte sa press conference sa Davao City sa pagdating niya mula sa kanyang biyahe sa Malaysia. “If they have evidence to prove otherwise, then a case should be filed against the police.”

Una nang nagpahayag ng pagdududa ang ilang senador sa salaysay ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng pagkakapatay sa alkalde nitong Nobyembre 5 sa Leyte Sub-Provincial Jail sa Baybay City.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sa pagdinig ng Senado sa usapin nitong Huwebes, pinuna ng mga senador ang mga inconsistency sa naging testimonya ng mga operatiba ng CIDG, sinabing mistulang “premeditated” ang pagpatay sa alkalde.

Muli namang iginiit ng Pangulo na handa siyang protektahan ang mga pulis na sangkot sa digmaan kontra droga, sinabing handa siyang makulong para sa kanila.

“Walang dapat ikatakot ang pulis. Suportado ko sila,” ani Duterte. “If anybody should go to prison, I should be the one. Ako nag-utos. I assume full legal responsibility. If I rot in prison, so be it.”

Kaugnay nito, hinimok naman ni Senator Grace Poe si Pangulong Duterte na iwasang pumanig sa kahit kanino sa pagkamatay ni Espinosa, kasunod ng pahayag ng Presidente na naniniwala siya sa testimonya ng CIDG na nanlaban ang alkalde kaya napatay.

“We heard the testimony of the police the committee invited. And I think this contradicts the President’s conviction that whoever is in government, if you committed a wrong thing you should be held responsible,” ani Poe.

Kaugnay nito, tiniyak din ni Pangulong Duterte ang ligtas na pagbabalik-bansa ng anak ng alkalde, ang hinihinalang drug lord na si Kerwin Espinosa dahil ang huli “[has] plenty to tell” sa mga awtoridad.

Itinakda bukas ang pagbiyahe ng three-man team, sa pangunguna ni PNP Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) acting head Chief Supt. Alberto Ferro, patungong Abu Dhabi upang sunduin si Kerwin.

Hiniling naman ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre III kay PNP Chief Director Gen. Ronald Dela Rosa na ilipat sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kostudiya kay Kerwin sa posibilidad na isailalim nila ito sa Witness Protection Program ng DoJ.

Samantala, kasunod ng pagsisiyasat ng Senado at sinimulan na rin ng Office of the Ombudsman ang imbestigasyon sa pagkakapatay kay Mayor Espinosa matapos itong bumuo ng fact-finding body, na pamumunuan ng Deputy Ombudsman for Military and Other Law Enforcement Offices. (GENALYN D. KABILING, HANNAH L. TORREGOZA at ROMMEL P. TABBAD)