INIUTOS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Philippine National Police (PNP) na kanselahin na ang procurement o pagbili ng 26,000 assault rifle mula sa United States. Ang pagkansela ay kasunod ng mga ulat na pinigil ng US State Department ang pagbebenta ng mga ito sa Pilipinas matapos harangin ni US Democratic Sen. Ben. Cardin ang bilihan.

Nagdududa si Cardin na baka gamitin lang ang nasabing mga armas sa paglulunsad ng EJK (extrajudicial killings) at human rights violations ni President Rody at PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa pakikidigma sa illegal drugs sa bansa na noong kampanya ay ipinangakong sa loob lang ng tatlo hanggang anim na buwan, tiyak na wala na ang mga bawal na droga at nakatumba na ang drug lords, pushers, at users.

Sa puntong ito, nananatiling tahimik ang pamunuan ng PNP hinggil sa direktiba ni Mano Digong sa kanselasyon ng procurement ng 26,000 M4 assault rifle mula sa US. “Kailangang opisyal na i-notify kami ng Malacañang,” pahayag ni PNP spokesman Senior Supt. Dionardo Carlos. Ang naturang mga rifle ay bahagi ng PNP Modernization Program, pero bunsod ng pakikipagkagalit ni RRD sa US, nalalagay sa panganib na hindi ito matuloy.

Una rito, pinabulaanan ni Gen. Bato ang media reports na ang procurement ng mga armas mula sa US ay nagkakaproblema dahil pinigil ng US State Dept. ang bentahan bunsod ng oposisyon ni Cardin at pagharang niya sa pagpoproseso ng lisensiya para sa pagbebenta ng mga armas sa Pilipinas.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa press briefing noong nakaraang linggo sa Camp Crame, sinabi ni Bato na sumulat ang US-based supplier sa PNP upang ipaalam sa kanila na ang license to sell o lisensiya sa bilihan ay tuluy-tuloy pa. Sabi nga ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “’Iyan ang hirap kapag ang personal na emosyon ng presidente ay siyang ipinaiiral sa halip na ang kapakanan ng PNP.”

Naniniwala si President Rody na hindi na raw kailangan pang bumili ng bansa ng gayong karaming armas dahil isinusulong naman ng kanyang administrasyon ang peace talks sa MILF, MNLF, at CPP-NPA- NDF. Ayon sa machong Presidente, hahanap na lang ang Pilipinas ng ibang source na mabibilhan ng assault rifle na mas mura at matibay pa, gaya ng US-made rifle. Maaaring ang tinuukoy niyang source ay ang China at Russia ng idolo niyang si Pres. Valdimir Putin.

Siyanga pala, habang isinusulat ko ito, hindi pa alam kung sino ang nanalo sa US elections sa pagitan nina Hillary Clinton at Donald Trump. Umaasa ako at ang sambayanang Pilipino na kung sino man sa dalawa ang magwagi, manatili sana ang magandang relasyon ng US at ‘Pinas, tratuhin ni Uncle Sam si Juan dela Cruz bilang kapantay na bansa na may sariling soberanya! (Bert de Guzman)