Labing-apat (14) na araw matapos ang isinagawang konsultasyon sa ‘endo’ ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa Bicol region, ilang lokal na kumpanya ang nagboluntaryong gawin nang regular ang kanilang mga manggagawang contractual.
“Actually we were expecting this to happen. We know that our local firms would understand the context of ‘endo’ and will positively react to it,” pahayag ni DOLE-Bicol OIC Regional Director Atty. Ma. Karina Trayvilla.
Batay sa naitala ng Kagawaran, 285 contract worker ang ginawang regular na empleyado ng 24 na principal sa Bicol.
Ang terminong ‘principal’ ay ginagamit ng DoLE sa pagtukoy sa mga pangunahing kumpanya na kumukuha ng manggagawa sa manpower agency. Ang mga contract workers dito ay karaniwang nagtatrabaho sa shopping malls, restaurant, manufacturing, distribution, electric cooperative, at sales. (Mina Navarro)