Namatay ang lalaking suspek sa panghahalay sa isang public school teacher matapos itong barilin ng pulis makaraang mang-agaw umano ng baril sa Caloocan City, nitong Lunes ng gabi.
Dead on arrival sa Dr. Jose Rodriguez Hospital si Pablo Dagsa, 36, ng Bagong Silang, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Ayon kay PO3 Rhyan Rodriguez, dakong 7:00 ng gabi at iniimbestigahan si Dagsa sa loob ng North Extension Office (NEO) ng Caloocan City Police ang suspek dahil sa panggagahasa umano nito sa isang public school teacher sa kanilang lugar.
Matapos ang imbestigasyon, isinakay ito sa police patrol para i-inquest sa Caloocan City Prosecutor’s Office at si PO1 Mark Anthony Merin ang nagmamaneho, habang nagsilbi namang escort ng suspek sina PO3 Steven Suase at PO1 Donald Marin.
Habang bumibiyahe, nalingat si Suase at nagawang maagaw ni Dagsa ang service firearm nito, ngunit naging maagap si Merin at dalawang beses na binaril ang suspek. (Orly L. Barcala)