Nais ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na magkaroon ng auditing hindi lamang sa pondo na natanggap ng gobyerno para sa mga sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’, kundi maging sa mga programa para sa rehabilitasyon.
Ito ang naging panawagan ni Father Edu Gariguez, executive secretary ng CBCP-National Secretariat for Social Action Justice & Peace, ilang linggo bago gunitain ang ikatlong anibersaryo ng pananalasa ng Yolanda, na partikular na nanalasa sa Eastern Visayas, noong Nobyembre 8, 2013.
“We want an audit of the program and the funds so we can really see what happened three years after the devastation,” sabi ni Gariguez.
Personal na naniniwala ang opisyal ng CBCP na hindi nagamit nang wasto ang pondo para sa mga sinalanta ng Yolanda.
“May nakausap akong taga-Samar. Sabi niya, may mga lugar na walang nakatira sa mga bahay na itinayo para sa mga typhoon victim, ayaw kasing tumira ng mga tao roon dahil masyadong malayo sa trabaho nila, at walang kuryente at tubig,” kuwento ni Gariguez.
“Dapat busisiin din ang mga ito sa audit. Usually, kapag naglalabas ng report, sasabihin lang nila (gobyerno) na nakapagpatayo na sila ng ganito karaming bahay, pero ‘di naman nila binabanggit kung tinitirahan,” dagdag pa niya.
Bukod sa auditing, hinimok din ng opisyal ng CBCP ang Office of the President na bumuo ng special coordinating body para sa Yolanda rehabilitation upang tiyakin ang mas epektibong pagtugon sa mga nangangailangan pa rin ng ayuda hanggang ngayon.
Nitong Lunes lang, inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maglalabas ang kagawaran ng report sa isinagawa nilang internal assessment sa mga donasyon at iba pang pondo para sa mga sinalanta ng Yolanda.
Ito, ayon kay DSWD Secretary Judy Taguiwalo, ay matapos maipaalam sa kanila na ilang mangingisda at magsasaka ang wala pang natatanggap na emergency shelter assistance hanggang ngayon.
Nasa 200,000 sinalanta ng Yolanda ang nagreklamo na wala pa silang natatanggap na anumang ayuda mula sa gobyerno hanggang ngayon. (LESLIE ANN G. AQUINO)