SAN FRANCISCO, Calif. (AP) – Pinatunayan ng San Antonio Spurs na makatatayo kahit wala na ang ayuda nang nagretirong si MVP Tim Duncan.

Sa pangunguna ni Kawhi Leonard na nagtala ng 35 puntos, ipinatikim ng Spurs ang pait ng kabiguan sa preseason favourite Golden State Warriors, 129-100, sa opening day ng 2017 season ng NBA nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Nag-ambag si LaMarcus Aldridge ng 26 puntos sa loob ng 35 minutong paglalaro.

Nanguna si Durant sa Warriors sa nakubrang 27 puntos mula sa 11-of-18 shooting, habang tumipa si back-to-back MVP Stephen Curry ng 26 puntos at nag-ambag si Klay Thompson ng 11 puntos mula sa 5-of-13 shooting.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

CAVS 117, KNICKS 88

Sa Cleveland, taliwas ang panimulang birada ng Cavaliers nang pulbusin ang New York Knicks at bagong lipat na si Derrick Rose.

Hataw sina Kyrie Irving at Kevin Love sa natipang 29 at 23 puntos, ayon sa pagkakasunod para kumpletuhin ang kasiyahan ng homecrowd na sinaksihan ang opisyal na pagtanggap ng championship ring ng Cavaliers.

Nag-ambag si LeBron James ng 19 puntos.

Nanguna sa Knicks si Carmelo Anthony sa naiskor na 19 puntos, habang kumubra si Rose sa kanyang unang laro bilang Knick ng 17 puntos.

BLAZERS 113, JAZZ 104

Sa Portland, naungusan ng Blazers ang Utah Jazz sa Moda Center.

Ratsada si Damian Lillard sa third period para mailayo ang Blazers mula sa pagtabla sa 26 puntos.

Nakabawi ang Jazz, sa pangunguna ni Joe Johnson na tumipa ng 15 puntos, subalit nagpakatatag ang Portland sa krusyal na sandali para sa unang panalo sa bagong season.