Team Vargas, naghain ng kandidatura sa POC.
Panahon na para magkaisa ang hanay ng mga national sports associations (NSAs) at tuldukan ang bulok na liderato sa Philippine Olympic Committee (POC).
Ito ang panawagan ni dating athletics president Go Teng Kok sa kapwa sports leader upang maisalba ang lubog sa kumunoy na Philippine Sports at maibalik ang giting at moral ng atletang Pinoy.
“I maybe out of athletics, but never in my mind to leave sports so dearest in my heart,” pahayag ni Go.
“Updated ako sa nangyayari sa sports at talagang nalulungkot ako sa kasalukuyang sitwasyon. If I can turn back time, hindi ko sinuportahan si Mr. Cojuangco,” pahayag ni Go.
Nagbitaw bilang pangulo ng athletics association (Patafa) si Go upang bigyan ng pagkakataon ang liderato ni dating sports chairman Philip Ella Juico.
Tinanghal na best national sports ang Patafa ng dalawang ulit nang panahon ni Go at ang impluwensiya niya ang naging sandigan ni Cojuanco para mahirang na POC chief.
‘Noong 2004, I declined to run para maging president ng POC si Mr. Cojuangco. In 2008, he won by a slim margin of 21-19 againt Art Macapagal of shooting, because of me, alam ‘yan ng lahat. He won again unopposed in 2012 dahil walang magawa ang NSA, kakampi niya ang PSC kapag ayaw sa kanya walang financial support sa PSC,” sambit ni Go.
At tulad ng panahon, nagbabago ang tema at kalakaran.
Wala na ang kaalyado ni Cojuangco na si PSC chairman Richie Garcia, dahilan para pumalag na at kumilos ang mga sports lider.
Maging sa sports, pagbabago ang isinisigaw ng mga atleta at opisyal ng iba’t ibang national sports association (NSAs).
At sa wakas, nanindigan si Ricky Vargas, pangulo ng Alliances of Boxing Association of the Philippines (ABAP), para labanan si Cojuangco na tahasang nagpahayag ng kagustuhan na makakuha ng ikaapat na termino sa Olympic body.
Nagsumite ng kanyang kandidatura bilang POC president si Vargas, apo ni sportsman/stateman Jorge Vargas, kahapon sa POC office sa Pasig City.
“I hope he’s guiding me and I know he’s guiding me,” pahayag ni Vargas.
Kasama niyang nagsumite ng kandidatura sina Rep. Bambol Tolentino ng cycling (chairman), Rep. Albee Benitez ng badminton (1st vice president), ret. Gen. Lucas Managuelod ng muay thai (2nd vice president), SBP executive director Sonny Barrios (treasurer) at Ting Ledesma ng table tennis (auditor).
Nakatakda ang POC election sa Nobyembre 25.
“I think we have a very good team, a fresh team, and ready to serve,” pahayag ng 64-anyos na board member din ng Katropa sa PBA.
“It’s your choice between more of the same or try something new,” aniya.
Hindi naman nabahala ang kampo ni Cojuangco sa pagbuo ng grupo ni Vargas.
“Demokrasya tayo. Lahat may karapatan sa anuman ang gusto nila,” sambit ni POC first vice president Jose Romasanta.
Ngunit, ngayon pa lamang ay nababahala na ang ilang lider hinggil sa criteria na nais ng Comelec na binuo ni Cojuangco.
“Hindi nila kayang paikutin ang mga sports lider, higit at nandiyan si Go Teng Kok,” pahayag ni Mario Tanchangco ng sepak takraw.
Hindi pa pormal na ibinibigay ni Go ang suporta sa grupo ni Vargas, ngunit ang pahayag nito ay sapat na para manginig ang kaalyado ni Cojuangco.
“Kahit sino suportahan ko, huwag lang si Mr. Cojuangco,” pahayag ni Go. (Edwin Rollon)