Walang nakikitang dahilan si Senator Grace Poe kung bakit hindi nakapagpadala ng mobile disaster alerts ang telecommunications companies (telcos) sa mga residenteng apektado ng bagyong ‘Lawin’ na tumama sa Northern Luzon nitong nakaraang linggo.
Ayon kay Poe, isang taon na ang Republic Act No. 10639 o Free Mobile Disaster Alerts Act at may Implementing Rules and Regulations (IRR) na ito.
“Such failure goes against the objective of the law to ensure the immediate dissemination of useful, timely, and relevant information in order to help our people prepare for natural disasters,” aniya.
Iimbestigahan ng Senate Committee on Public Order kung bakit walang ipinadalang text alert ang mga telco sa mga residente, maging sa Metro Manila, sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong ‘Lawin.’ - Leonel M. Abasola