BALER, Aurora - Hindi pa man nareresolba ang unang kaso ng graft ay may panibago na namang kasong kinahaharap si Aurora Gov. Gerardo Noveras makaraan siyang sampahan ng paglabag sa probisyon ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, abuse of authority, at irregularities in the performance of duties.

Ang nasabing mga reklamo ay inihain nina Engr. Rodante Tolentino at Amado Elson Egarge, provincial engineer at hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), laban kay Noveras at sa 10 iba pang opisyal ng kapitolyo kaugnay ng kuwestiyonableng pagbili ng P8.6-bilyon payloader may tatlong taon na ang nakalipas.

Sa isang-pahinang order na nilagdaan ni Director Joaquin Salazar, ng Office of the Ombudsman Preliminary Investigator, Administrative Adjudication and Prosecution Board, si Noveras at si Julio Luis, ng isang construction firm sa Benguet, ay direktang pinaghahain ng counter-affidavit sa loob ng 10 araw matapos matanggap ang nasabing order.

Pinayagan umano ni Noveras na gamitin ang sinasabing mga pag-aari niyang dump truck sa proyekto ng gobyerno sa pribadong kontrata sa bayan ng Dinalungan.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Batay sa limang-pahinang reklamo, napag-alaman na pag-aari ni Noveras ang trucking business na RG& Triple Cs Trucking Services at ang apat na 10-wheeler dump truck (FJG-853, FJG-863, FJG-864 at FJG-865) na ginamit sa paghahakot ng graba at buhangin para sa proyekto. (Light A. Nolasco)