Game 5 ng OPPO-PBA Finals, hindi tumiklop kay ‘Karen’
WALANG lakas si ‘Karen’ para pigilan ang bagyong duwelo ng Barangay Ginebra at Meralco Bolts.
Sa huling sandali, sa kabila ng bantang hagupit ng bagyong ‘Karen’ Linggo ng gabi, ipinahayag ng PBA Commissioner’s Office na tuloy ang Game 5 sa best-of-seven titular series sa pagitan ng Bolts at Kings para sa OPPO-PBA Governors Cup sa Smart-Araneta Coliseum.
Tabla ang serye sa 2-2.
“Game Five of the 2016 Governors Cup Finals will push through today (Sunday), 6:30 p.m. at the Smart Araneta Coliseum,” pahayag ng PBA media bureau sa opisyal na kalatas na ipinamahagi sa lahat ng media outlet kahapon.
Nagpahayag ng pagkabahala ang PBA office nitong Sabado sa paparating na bagyong ‘Karen’ na tumama ang setro ng lakas sa lalawigan ng Aurora.
Inilagay ng weather bureau ang Manila sa Signal No.2
Ngunit, sa kabila ng malakas na hangin at pabugso-bugsong pag-ulan, gayundin ang pagbaha sa kalapit na lalawigan sa Luzon, hindi na nagatubili ang premyadong liga na ituloy ang laro na pinakaaabangan ng basketball aficionado.
Tangan ng Kings, pinakapopular na koponan sa liga, ang kumpiyansa matapos mapagwagihan ang Game 4, 88-86, para maitabla ang serye sa 2-2 nitong Biyernes.
Ang ‘never-say-die’ spirits na matagal nang katauhan ng Kings ay muling nangingibabaw na siyang higit na nagbibigay ng lakas at kasiyahan sa mga tagasunod ng Ginebra.
Muling nagpamalas ng katatagan si one-time MVP Jayjay Helterbrand, ngunit ikinalungkot ni coach Tim Cone ang kalagayan ni Japeth Aguilar na nagtamo ng injury sa paa sa kainitan ng Game 4.
Iginiit ni Cone na magdedesisyoin siya kung palalaruin o hindi ang pamosong slotman depende sa katayuan ng Kings.