Laro Ngayon
(Smart -Araneta Coliseum)
6:30 pm Ginebra vs.Meralco
Istorbo ang bagyong ‘Karen’ sa Game 5.
Pinag-iisipan ang posibilidad na kanselahin ang Game Five ng PBA Governors Cup Finals sa pagitan ng Ginebra at Meralco na nakatakda ngayon, Linggo, dahil sa matinding banta ng bagyong Karen.
Kasalukuyan pa na binabantayan ng Commissioner’s Office ang situwasyon hinggil sa bagyo, kung saan kung mananatili sa tinatahak na landas at sa bitbit na lakas, ay inaasahang tatama sa Metro Manila eksakstong Linggo.
Inaasahan na muling hahakot ng sell-out crowd ang Game Five na nakatakda sa Smart Araneta Coliseum ngayong gabi matapos na magtabla ang Ginebra at Meralco sa tig-dalawang panalo matapos ang apat na mahihigpit na laban sa best-of-seven na finals.
Nakataas na habang isinusulat ito sa signal No.3 ang mga lugar ng Catanduanes at signal No. 2 naman sa Camarines Sur at Camarines Norte.
Sinabi ni League media bureau chief Willie Marcial na kapwa inalerto na nito ang Barangay Ginebra at Meralco teams, PBA personnel, at miyembro ng media hinggil sa posibilidad na kanselahin ang nakatakda na laro sakaling maganap ang masamang panahon sa loob ng 48 oras simula Sabado. “Sunday’s game can and will be cancelled in the event typhoon Karen intensifies,” sabi ni Marcial sa isang memorandum. “Please monitor our website @pbaconnect and social media sites for news and updates.”
Sinabi ni Marcial na magbibigay ng pahayag ang liga bago ang ganap na 9:00 ng umaga ng Linggo.
Nakatakdang gawin sa ganap na 6:00 ng gabi ang ikalimang laro ng best-of-seven finals series ng Kings at ng Bolts sa Big Dome kung saan asam ng Kings ang unang back-to-back na panalo sa finals na maglalapit dito sa inaasam na titulo.
Nagwagi ang Kings sa duwelo kontra sa Bolts, 88-86, sa game four kung saan nagpakitang gilas ang mga beteranong manlalaro ng Kings na tinaguriang “Fast and Furious” na sina Mark Caguioa at Jayjay Helterbrand.
Bukod kina Caguioa at Helterbrand, na inaasahang magbibigay dagdag lakas ng loob at kumpiyansa sa Gin Kings, ay tampok din ang rookie na si Scottie Thompson, Joe Devance, Japeth Aguiar at import Justin Brownlee.
Inaasahang tatapatan ito ng Meralco na pilit ibabangon nina Cliff Hodge, Chris Newsome, Jimmy Alapag, Reynel Hugnatan at import Allen Durham.