NOONG 10-taong gulang pa lamang ako, naglakbay ang buo kong kamag-anakan sa Vatican upang magdasal at masilayan ang Santo Papa. Ang grupo ng aking ina ay liliko sa Greece bago umuwi ng Pilipinas. Habang aking ama (Rene) diretsong lilipad ng Manila para manumpa sa 7th Congress bilang bagong-halal na Senador.

Dahil bunsong anak, pinapili ako kung sasama sa aking nanay o tatay. Mas ninais ko masaksihan ang pagbubukas ng bagong Senado ng Pilipinas. Sa henerasyong milenyal, ang eleksiyon noon ay natataon sa ikalawang Martes ng Nobyembre.

Ito ay dahil sa pagpasok ng Bagong Taon, tugma sa kumpas ng bagong hirang na presidente, mga senador at iba pa, at kasabay ng bukang-liwayway at simoy-pag-asa ng sambayanan. Akma rin ito sa pagpanday ng Pambansang Gugulin. Hindi katulad ngayon, bawat bagong Gobyerno, nakagapos sa lumang budget na ipinasa ng patapos at nagpaalam na administrasyon.

Bilang buntot ng aking ama – pagkatapos niya makapag-konsulta sa Nationalista Party – ikinalong niya ang kanyang suporta kay Gil Puyat bilang Senate President.

Nagugunita kong bumisita si Senator Jose Roy sa aming tahanan dahil katunggali si Puyat. Ang posisyon ng Pro Tempore ang pangako sa aking ama para sa kanyang tulong.

Tulad ng nakaugalian ng aking ama, hindi siya nagpaasa o nagpapaandar ng kuwento. Diniretso niya si Roy hinggil sa una na niyang binitiwang salita para kay Puyat. Dahil doon, naging malapit at magalang ang kanilang relasyon sa Senado. Nakita ko ang Senado sa pamumuno ni Puyat kasama ang matatalino at matitinik na 24 na senador (nabanggit ko sa isang kolum).

Tumpak na ang buong lehislatura ng bansa ay nananahan sa iisang gusali. Mas mabilis ang proseso at palitan ng mga panukala. Ito sa kasalukuyan ang National Museum. Ang Session Hall ng Kongreso ay nasa bulwagan kung saan matatagpuan ang Spolarium ni Juan Luna. Ang Senado sa ikatlong palapag ng bulwagan.

Ang nasabing gusali, pati mga bulwagan, angkop na “bantayog” at “altar” sa ating demokrasya at sa institusyon ng Lehislatura.

Mainam talaga noon, dati 8 lang ang Senador na inihahalal tuwing eleksiyon upang may quorum at makapagpatuloy magtrabaho ang Senado. Nitong katatapos na Sentenaryo ng Senado, dinala ko naman ang aking 10-taong gulang na babaeng anak. Ang susunod na salin-lahi. (Erik Espina)