INAMIN ni Yassi Pressman na maging noong hindi pa siya lumilipat sa bakuran ng ABS-CBN ay pinapanood na niya ang Kapamilya programas, lalo na ang primetime aksiyon-seryeng FPJ’s Ang Probinsyano.
Una’y nasa seryeng ito ang kaibigan niyang si Bela Padilla, na dati niyang kasamahan sa kabilang network. Hindi niya akalain na susundan niya si Bela sa nasabing serye. Ngayong nasa cast na siya ng Probinsyano, dobleng saya ang nararamdaman ng aktres.
“Hindi ko po expected, kasi si Bela Padilla po isa po s’ya sa mga close kong kaibigan so dati po sabay lang po kami nanonood sa bahay niya. Sabi ko lang, ‘sobrang ganda ng show na to’ so ngayon na nandito na ako I feel overwhelmed “ bulalas ng tisay na aktres.
Hindi ikinakaila ni Yassi na ito ang pinakamalaking break na natamo niya sa kanyang career.
“Oo naman po, definitely, talagang napakalaking opportunity na nakapasok po ako sa cast at isinasabuhay ko ang role ni Alyana Arevalo.”
Dahil malapit sa puso ni Cardo (Coco Martin) ang kanyang character, marami ang humuhula na siya ang magiging kapartner ng aktor sa bandang huli.
“Hindi ko po masasabing pumalit, hindi po. Pero isa po sanang... pinakabago pong sana na magpapatibok ng puso ni Cardo, tingnan po natin,” paiwas na sagot ni Yassi.
Masaya si Yassi na maganda ang review at marami ang nagsasabi na malakas ang chemistry nina Alyana at Cardo. Naging positibo rin ang dalaga sa pagtanggap ng mga intriga na nagli-link sa kanya kay Coco Martin.
“Meron ba?” sabay ngiti. “Kapag naniniwala po masyado sa napapanood, ibig sabihin po magandang-magandang balita po iyon. Siguro po talagang nai-in love na sila sa character ni Alyana at ni Cardo and napakabuti po nu’n,” sey ng aktres. (ADOR SALUTA)
