Tamang player, sa tamang pagkakataon si Monbert Arong para sa Far Eastern University.
Mula sa inbound pass may tatlong minuto ang nalalabi sa laro, tinangap ni Arong ang bola at sa isang shoulder fake ay nalusutan ang depensa ni National University slotman Alfred Aroga para sa game-winning shot.
Hindi na nakabawi ang Bulldogs sa final play, sapat para maitakas ng Tamaraws ang makapigil-hiningang 57-56 panalo nitong Linggo sa MOA Arena.
“Sabi kasi ni coach Nash, i-shoot mo. Eh! di i-shinoot ko naman,”ani Arong.
Ang nasabing basket ang tumapos sa kahanga- hangang performance ni Arong na naging daan din upang mahirang siyang ACCEL Quantum/3XVI-UAAP Press Corps Player of the Week.
Si Arong ang unang manlalaro ng Tamaraws na nagkamit ng nasabing lingguhang citation at unang manlarong hindi taga La Salle na nagwagi nito ngayong season.
Tinalo niya para sa parangal sina La Salle guard Ricci Rivero at University of the Philippines veteran Jett Manuel.
Dahil kay Arong, nawalis ng FEU ang NU sa eliminations.
Sa kanilang unang pagtutuos, nagtala si Arong ng 20 puntos, tatlong assist, at isang rebound sa kanilang 78-75 panalo sa Bulldogs noong nakaraang Miyerkules .
Nitong Linggo, tumipa siya ng 13 puntos , 2 rebound at dalawang assist.
Walang nakakaalam na ginawa ito lahat ni Arong habang may iniindang sprained ankle.
“Buti na lang nagkaroon pa siya ng lakas for the last play.Today, he was the go to guy. We hope that every game naman, kung sino man ang puntahan namin, maka-deliver whoever that is. We’re just happy that Monbert was able to deliver for us today,” pahayag ni Racela.
Ngunit para kay Arong,kinakailangan nilang magkaroon ng tiwala sa isa’t-isa ng kanyang mga teammates upang maipagpatuloy ang naitalang five-game winning run.
“Binubulong ko lang sa sarili ko yung bible verse na, ‘I can do all things through Christ.’ Kaya talagang confident lang ako na ma-shoot ko yung ball,” ayon pa kay Arong. “Credit to the coaches at sa mga teammates ko rin dahil nag-teamwork kami at di kami bumitaw until the end.” (Marivic Awitan)