36 boxing referee at judge sa Rio Olympics.

LAUSANNE, Switzerland (AP) — Kabuuang 36 boxing referee at judge na nangasiwa sa officiating sa Rio de Janeiro Olympics ang inilagay sa ‘floating status’ at hindi pinayagang magtrabaho sa world-level event hangga’t hindi natatapos ang isinasagawang imbestigasyon.

Ipinahayag ng International Boxing Association (AIBA) nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) na hindi rin papayagang makiisa ang mga sangkot na referee at judge sa lahat ng mga torneo na nasa pangangasiwa ng sports body.

Nakatakda ang AIBA Youth World Championships sa Nobyembre sa St. Petersburg, Russia, ngunit, walang nakatakdang senior world championships ngayong taon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nabahiran ang intigridad ng AIBA, gayundin ang mga opisyal at scoring system bunsod ng mga kontrobersyal na resulta ng laban sa Rio Olympics nitong Agosto. Bilang kasagutan sa kritisismo, inilipat ni AIBA president C.K. Wu sa kanyang posisyon ang executive director.

Wala namang pormal na impormasyon na ibinigay ang AIBA hingil sa bilang ng mga opisyal na pinauwi at pinalitan sa kasagsagan ng kompetisyon sa Rio.

Kabilang sa kwestyunableng resulta ang laban ng mga fighter mula sa Ireland, Kazakhstan at United States na pawang natalo kontra sa dehadong karibal mula sa Russia at Uzbekistan.

Sa kabila nito, marami pa ring judge ang nagpatuloy sa kanilang gawain sa Rio.

Matapos ang Olympics, ipinahayag ng AIBA na isinailalim nila sa imbestigasyon ang mga sangkot na opisyal at kasalukuyang nasa ilalim ng pangangasiwa ng disciplinary committee.

Iginiit din ng AIBA na hindi na gagamitin ang programa para sa pagbibigay ng sertipiko sa mga referee at judge na pangasiwaan ang mga world championship.

Gagamitin din ng AIBA ang bagong sistema kung saan hindi na ang three-member draw commission ang magtatalaga ng mga opisyal sa laban.