Kalaboso ang isang lalaki na nagpanggap na ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos umanong hamunin ng away ang mga nagpapatrulyang pulis na nagtangkang umawat sa kanya sa pagwawala sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nahaharap sa mga kasong usurpation of authority at assault upon an agent of person in authority si Percival Carreon, 35, binata, ng 237-A Doña Aurora Street sa Tondo, matapos arestuhin at ireklamo ng mga pulis na sina PO1 Sonny del Monte at PO1 Jay-Ar Valdez, kapwa nakatalaga sa Asuncion Police Community Precinct (PCP) na sakop ng Manila Police District (MPD)-Station 2.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Paul Vincent Barbosa II, lumilitaw na nagpapatrulya ang mga pulis sa Ylaya St., sa kanto ng Padre Rada St., Tondo, nang mamataan nila ang suspek na nagsisisigaw at hinahamon ng away ang lahat ng taong dumaraan sa lugar, dakong 12:30 ng madaling araw.
Nilapitan ng mga pulis ang suspek at tinangkang awatin ngunit sa halip na magpaawat ay tinabig pa umano ng suspek ang mga pulis.
Nagpakilala rin umanong NBI agent si Carreon habang iwinawasiwas sa harapan ng mga pulis ang isang steel necklace na may NBI insignia pendant.
Pinagmumura rin niya ang mga pulis ng “Pu****ina ninyo! Mga pulis kayo, mga kupal kayo!” sanhi upang arestuhin siya at kaagad na dinala sa presinto upang sampahan ng kaso. - Mary Ann Santiago