yassi-pressman-copy-copy

“ITO na ‘yun, ate, ‘yung sinasabi mo na serye ko,” masayang bati sa amin ni Yassi Pressman nang lapitan namin pagkatapos ng Q and A sa FPJ’s Ang Probinsyano 1st Anniversary presscon.

Nakakatuwa nga kasi ang bati naman namin kaagad, halos lahat ng leading lady ni Coco Martin sa Probinsyano ay namamatay kaya nawala na, tulad nina Bela Padilla at Maja Salvador.

“Oo nga po, eh, sana huwag naman akong patayin, sana patuloy pa rin akong iligtas ni Cardo,” nakangiting sabi ni Yassi na ayon sa mga katoto ay pagkaganda-ganda sa suot na pulang bestida.

Human-Interest

Guro, kumasa sa ipon challenge para mabigyan ng Christmas party kaniyang advisory class

Sa nakaraang episode ng serye ay iniligtas ni Cardo si Alyana (Yassi) nang gawing hostage ni Paulo Avelino na nagpanggap na autistic.

Sa Q and A, inamin ni Yassi na labis ang kanyang pasasalamat sa pagkakasama niya sa FPJ’s Ang Probinsyano. Malaking bagay raw sa kanyang career na mapasama sa isang napakalaking proyekto at makatrabaho ang veteran actors na marami siyang matututuhan at siyempre makasama si Coco Martin na gustung-gustong makatrabaho ng halos lahat ng artista.

Paano naman, simula noong Setyembre 2015 ay hindi na natinag sa rating games ang Probinsyano, nanatiling hawak nito ang pinakamataas na nationwide rating ngayong taon na 46.7% na naitala noong Pebrero.

Gabi-gabi rin itong nangunguna sa trending topics sa Twitter at ang pag-ani ng humigit-kumulang 11.7 million views sa iWant TV, patunay sa matinding tagumpay nito hanggang sa online world.

“Napakarami pong beteranong actors at ang dami pa pong artista, pero sa akin po ibinigay ang isang pagkakataon na maging parte ng FPJ’s Ang Probinsyano kaya sobrang thankful talaga po,” masayang sabi ni Yassi.

Napangiti ang dalaga nang tanungin namin kung magtatagal ang karakter niya, “Tingnan po natin.”

Hindi ba siya nag-aalangan na baka maikumpara siya kina Bela at Maja ngayong lumalabas na siya ang leading lady ni Coco?

“Sobrang gagaling po talaga nila, feeling ko po hindi naman maiiwasan na maikumpara pero so far, sobrang saya rin po ng pagtanggap nila sa akin, sa Twitter, sa Instagram na ‘pino-post nila kaya natutuwa rin po ako na tinatanggap nila,” nakangiting sabi ng dalaga.

Walang duda na ito ang pinakamalaking TV project ni Yassi maski nanggaling na siya sa dalawang TV network, at sinang-ayunan naman niya ito, “Opo.”

Anu-ano naman ang mga nadiskubre ni Yassi kay Coco?

“Sobrang bait po, siya ‘yung tipong aktor na hindi niya itinatago sa sarili niya kung ano ‘yung nalalaman niya, gusto niya, sini-share niya sa lahat. 

“Tulad nu’ng sinabi ng mga bata (Onyok at MacMac), hindi lang doon, sa aming lahat. Ginagawa niyang ma-guide niya kaming lahat.”

Maganda nga raw ng tayming ng pagkakapasok ni Yassi sa FPJ’s Ang Probinsyano dahil kasama siya sa 1st anniversary celebration nito kasabay ng pasasalamat ng Primetime Bida sa Smart Araneta Coliseum sa Oktubre 8, Sabado bilang pasasalamat sa lahat ng mga taong sumusuporta sa programa nila.

Bukod kina Yassi at Coco ay kasama sa selebrasyon sina Ms. Susan Roces, Maja Salvador, Arjo Atayde, Simon “Onyok” Pineda, McNeal “Awra” Briguela, John Prats, Yassi Pressman, Jaime Fabregas, pati na rin sina Bela Padilla, Pepe Herrera, Agot Isidro, Albert Martinez, at Eddie Garcia.

Ka-join din ang iba pang primetime stars na sina James Reid at Nadine Lustre; Elmo Magalona at Janella Salvador at ang bagong love team nina McCoy De Leon at Elisse Joson.

May magandang production number din sina Gary Valenciano, Ogie Alcasid, Vina Morales, Ayen Laurel at iba pang ASAP stars.

At siyempre, hindi rin mawawala ang It’s Showtime family tulad nina Vice Ganda, Vhong Navarro, at all-male group na Hashtags.

Join din ang cast ng The Third Party na sina Sam Milby, Zanjoe Marudo at Angel Locsin.

Para sa libreng tickets, maaring pumunta sa ABS-CBN Center Road ngayong araw, Sabado at bukas, Linggo (Oktubre 1 at 2) mula 1 PM hanggang 7 PM. (Reggee Bonoan)