P15 M kontrata sa Globalport, naselyuhan ng cage heartthrob.

Hindi lamang kakisigan ang taglay ni Terrence Romeo. Ang kahusayan sa makabali-tuhod na ‘crossover move’ at tikas sa long range shooting ang nagdala sa dating Far Eastern University stalwart sa kasikatan.

Ngayon, selyado na ang kanyang katayuan bilang isa sa superstar at pinakamayamang player sa PBA.

Lumagda ng bagong tatlong taong kontrata na nagkakahalaga ng P15 milyon ang sharp-shooting Batang Pier at miyembro ng Gilas Pilipinas, ayon sa opisyal na pahayag ng Globalport management kahapon.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Everything is now in order, we are happy with the deal that Terrence is sticking with us,” pahayag ni Globalport team manager Bonnie Tan.

“Terrence is a marquee player so we want him to stay with our team. Actually, his contract was sealed just after our campaign.”

Batay sa kontrata, tatanggap ang three-year pro ng garantisadong maximum na buwanang suweldo na P420,000.

Kaakibat nito ang mga benepisyo tulad ng bonus sa bawat panalo ng Globalport.

Sa edad na 24, tunay na isa nang ganap na cage superstar ang anak ng dating namamasada ng tricycle.

“The last time we talked, we’re just trying to finalize minor details of the contract, pero he (Romeo) already agreed in principle to a three-year, max deal,” pahayag ni Tan.

Ang ibinigay n tatlong taong kontrata kay Romeo ay patunay sa tiwala at kumpiyansa ni Globalport owner Mikee Romero sa talento at pagiging crowd-drawer ng 6-foot-1 point guard.

“We strongly believe that Terrence can lead us to the championship someday,” ayon kay Tan.

Ayon kay Tan, inaayos na rin nila ang kontrata para kay Stanley Pringle, backcourt partner ni Romeo, para mapanatili ang lakas ng koponan sa target na kampeonato sa susunod na season.

Tumanggi naman si Tan na ilahad ang detalye ng bagong kontrata ni Pringle.