MARAMING mukha si Miriam Defensor Santiago para sa maraming tao.
Kilala siya bilang matapang na senador, masigla, palaaway, kaya naman takot sa kanya ang humaharap sa matindi niyang pagtatanong. Dahil sa kanyang solidong kaalaman sa batas, partikular na sa constitutional law, sa kanyang pagiging dalubhasa sa wika, at sa kanyang nakamamanghang pag-unawa sa kalikasan ng tao, itinuturing siyang isang matinding kalaban ng sinumang nakakaalitan niya sa Kongreso at saan mang sangay ng serbisyo publiko.
Malapit siya sa kabataan ng bansa, kaya naman noong huling paghahalal sa pagkapangulo ay nanguna siya sa mga survey sa mga estudyante. Popular din siya sa social media, patunay ang milyun-milyon niyang tagasuporta sa Facebook at Twitter.
Sinasalamin ng maraming batas na kanyang inakda ang kanyang napakalawak na interes at adbokasiya. Itinaguyod niya ang mga karapatan ng kababaihan at tumulong sa pagbuo sa Magna Carta of Women, gayundin sa Responsible Parenthood and Reproductive Health Act. Labis ang naging pagpapahalaga niya sa edukasyon kaya isinulong niya ang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education Act.
Agad din niyang naunawaan ang malawak na potensiyal ng bagong teknolohiya sa impormasyon kaya itinaguyod niya ang pagtatatag ng bagong Department of Information Technology. Natukoy din niya ang pambihirang posisyon ng Pilipinas sa South China Sea kaya naman inakda niya ang Archipelagic Baselines Act. Ikinumpara rin niya ang bansa sa umiiral na humanitarian law sa mundo kaya tumulong siya sa pagbuo sa Philippine Act on Crimes Against Humanitarian Law. Nabatid niya ang mapanganib na pagkakalantad ng bansa sa climate change at pinangunahan niya ang pagsusulong sa Climate Change Act at sa Renewable Energy Act.
Halos buong panahon ni Miriam sa serbisyo publiko ay ginugol niya bilang senador, ngunit nagsilbi rin siyang hukom, isang immigration commissioner na ginawaran ng Ramon Magsaysay Award for Government Service, at naging kalihim ng kagawaran sa agrarian reform. Dati rin siyang kolumnista ng Panorama magazine ng Manila Bulletin, nagsulat ng kanyang mga opinyon sa sa kolum niyang “Overview” noong 1985 hanggang 1988.
Siya mismo ay nakauunawa sa kahalagahan ng malayang pamamahayag bilang pangunahing karapatan ng mamamayan sa isang demokrasyang gaya ng sa atin. Pursigidong isinulong niya ang panukalang Freedom of Information sa Senado, na hanggang ngayon ay hinihintay pa rin nating aprubahan ng Kongreso. Sa pagbibigay-pugay kay Senador Santiago kamakailan, nagpahayag ng pag-asa si Senador Grace Poe na maipapasa na rin sa wakas sa Kongresong ito ang panukalang Freedom of Information; at ito na marahil ang isa sa pinakaakmang pagbibigay-pugay kay Miriam.
Pumanaw na si Miriam Defensor Santiago, at nag-iwan ng pamana na dapat lang na pahalagahan ng lahat ng Pilipino.
Tiyak nang may lugar ang pagbibigay parangal sa kanya sa kasaysayan ng ating bansa.