TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Nagdeklara na ng chikungunya outbreak sa munisipalidad ng Indang sa Cavite kahapon.

Tanghali kahapon nang ginawa ni Dr. George R. Repique, Cavite provincial health officer, ang deklarasyon sa rekomendasyon ni Dr. Nelson C. Soriano, epidemiologist ng lalawigan.

Batay sa huling report ng Provincial Epidemiologist Surveillance Unit (PESU), sa 423 kaso ng chikungunya sa Cavite ay 419 ang naitala sa Indang, habang may tigdalawang kaso naman ang General Trias City at Dasmariñas City.

Sa nasabing bilang, lima sa 36 na barangay sa Indang ang pangunahing apektado ng chikungunya, ayon pa sa report.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Iniulat pa ng PESU na ang mga dinapuan ng chikungunya sa Indang ay nasa walong buwan hanggang 87 anyos.

Sinabi naman ni Repique na masusi na ngayon ang ugnayan ng PESU, Provincial Health Office (PHO) at iba pang kinauukulang opisyal upang mapigilan ang pagdami pa ng kaso ng chikungunya.

Ang chikunguya ay nakukuha sa kagat ng lamok at ang mga sintomas ay gaya rin ng sa dengue: mataas na lagnat, matinding pananakit ng mga kalamnan at kasu-kasuan, sakit ng ulo, pagkahilo, pagkapagod at pamamantal ng balat.

Wala namang naitalang nasawi sa chikungunya, ayon kay Repique. (Anthony Giron)