May bagong banta sa buhay ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa at hindi ito nagmula sa mga drug lord.
Sa halip, pagbubunyag ni Dela Rosa, ilang retiradong heneral at mga kasabwat nitong pulis na aktibo sa serbisyo ang nagbabalak at nagpopondo sa operasyon para siya ay patayin.
“We received reports that these rich generals, who have already accumulated wealth, are already financing the operation for us to be neutralized,” lahad ni Dela Rosa.
Ang panibagong banta sa kanyang buhay, ayon kay Dela Rosa, ay hiwalay sa operasyon na pinondohan naman ng mga drug lord na nais din siyang ipapatay.
Sinabi ni Dela Rosa na ito ay bunga ng pagbanggit ng mga sumukong drug lord sa mga pangalan ng mga tiwaling pulis.
Idinagdag niya na karamihan ng narco-politicians na pinangalanan ng drug lord na si Franz Sabalones ay konektado kay retired Deputy Director General Marcelo Garbo, isa sa limang heneral na pinangalanan ni Pangulong Duterte na protektor ng droga.
Iniimbestigahan na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ng Internal Affairs Service (IAS) ang mga pulis na ikinanta ni Sabalones. (Aaron B. Recuenco)