NGAYON lang yata nangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas na halos araw-araw ay may namamatay o napapatay na tao. Dahil hindi pa ako ipinanganganak noon, ewan ko lang kung noong panahon ng Kastila, panahon ng Amerikano at panahon ng Hapon, ay may mga ganito ring pangyayari. Gayunman, noon ay mga panahon ng giyera kaya hindi nakapagtataka na marami ang siguro’y namatay o napatay.

Ang pagkamatay ngayon ng maraming tao, karamihan ay drug pushers, users (meron na bang naitumbang drug lord?) ay bunsod ng “bloody war” ni President Rodrigo Roa Duterte laban sa illegal drugs na noong kampanya ay nangako na sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ay ganap na mapapawi ang salot ng ilegal na droga. Nangako siya na itutumba ang mga pusher, user, protector at drug lord upang malinis ang bansa sa illegal drugs.

Napabilib niya ang taumbayan kaya binigyan siya ng 16.6 na milyong boto kumpara kina Mar Roxas, Grace Poe, Jojo Binay at Miriam Defensor-Santiago. Batay sa huling ulat, humihingi pa siya ngayon ng karagdagang anim na buwan o palugit para giyerahin ang mga bawal na gamot na salot ng lipunan.

Hindi raw niya kasi akalain na ganito pala kalawak at katalamak ang illegal drugs na sumisira sa utak ng kabataan at iba pa, na dahil sa pagkalulong ay nakagagawa ng mga krimen, pumapatay ng mga kamag-anak, nanggagahasa ng babae at bata. Ayon kay RRD, ang utak ng isang tao na gumagamit ng shabu sa loob ng isang taon ay umiimpis (shrinking) kaya siya ay wala na sa katinuan, nakatulala, parang zombie at nakagagawa ng mga ‘di kanais-nais na gawain.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Walang duda, pabor ang mga Pilipino sa pakikibaka ni Mano Digong sa illegal drugs. Ang ayaw lang nila ay nadadamay pati inosenteng mga sibilyan, bata, babae, matatanda. Dagdag pa rito ang hindi kapani-paniwalang katwiran ng police raiding teams na napatay nila ang pushers at users dahil nanlaban daw. Nanlaban? Sino ang maniniwalang kakasa ang isa o dalawang pusher o user gayong ang armas ay .38 caliber pistol lang kumpara sa high-powered firearms ng mga pulis.

Namura na ni RRD sina Pope Francis, President Obama, UN Secretary General Ban Ki-moon, Sen. Leila de Lima, at ang European Union. Sino pa kaya ang mumurahin niya kapag siya ay kinuwestiyon sa isyu ng human rights at extrajudicial killings?

Nagdurusa ngayon si Sen. Delilah, este Sen. Leila de Lima, dahil ayaw siyang tantanan ni President Rody na hindi makalimot sa pag-iimbestiga sa kanya noong siya pa ang CHR chairperson at ito naman ang mayor ng Davao City, tungkol sa Davao Death Squad (DDS), at nitong huli ay pag-iimbestiga sa umano’y extrajudicial killings noong si De Lima pa ang chairperson ng Senate committee on justice and human rights.

Payo ng ilang observer kay De Lima: Magpakatatag ka, sapagkat marami pang unos na sasanggahin habang pangulo si Mano Digong. Hindi niya malilimot ang ginawa mong pag-imbestiga sa kanya noong ikaw pa ang chairperson ng Commission on Human Rights. Ikaw ngayon, ayon nga sa ‘yo, ay “Dead Woman Walking”.