DAVAO CITY – Nagbabala si Mayor Sara Z. Duterte laban sa ilang indibiduwal na gumagamit sa kanyang pangalan para makapangulimbat ng pera, matapos niyang mabatid ang tungkol sa text scam na nangongolekta ng pera para umano sa mga nabiktima ng pambobomba sa siyudad noong Setyembre 2.

Isang text message, na napaulat na nagmula sa isang Charisma Jaranilla, ang ipinadala sa isang kongresista at agad itong ipinagbigay-alam sa alkalde nitong Sabado.

Nakasaad sa text message: “I was instructed to get in touch with you because Mayor Sara would like to invite you for her fundraising event in Davao tonight. Also, you could support the fundraising event for the family of the bombing incident happened in Davao.”

Ilang beses nang sinabi ni Mayor Sara na walang anumang aktibidad para mangalap ng pondo para sa mga nabiktima ng pagpapasabog sa night market sa Roxas Avenue nitong Setyembre 2, at matagal nang ipinagkakaloob ng pamahalaang lungsod ang pangangailangan ng mga biktima.

Probinsya

Lalaki, hinagisan ng itak ng live-in partner dahil sa 13th month pay

Ayon sa City Information Office, ang mga donasyon para sa mga biktima ay direktang tinatanggap ng mga pamilya, ng mga opisyal ng pamahalaang lungsod, o idine-deposit sa opisyal na account ng Davao City sa Land Bank of the Philippines.

Isa ring Nathan Garanzo ang gumagamit sa pangalan ni Mayor Sara sa mga text message na ipinakakalat nito, na kumakalap naman ng pondo para sa mga sinalanta kamakailan ng bagyong ‘Ferdie’ sa Batanes.

Hinihiling ng scammer sa mga tumatanggap ng text message na magdeposito ng perang donasyon sa BPI account ng isang Retchie B. Banduriao, na umano’y finance team head ng presidential daughter. (Yas D. Ocampo)