Walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakasibak kay Senator Leila De Lima bilang chair ng Senate Committee on Justice.
Ito ang inihayag ng Malacañang at ng mga senador matapos makakuha ng 16 boto ang mosyon ni Sen. Manny Pacquiao na ideklarang bakante ang nasabing komite.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, bago siya bumoto ay hindi naman niya kinunsulta ang Pangulo.
Sinabi ni Gatchalian na kaya naalis si De Lima ay dahil ayaw ng mga senador na magamit nito ang komite para sirain ang anti-drug campaign ng administrasyon.
“To my knowledge, President Duterte was not involved in any way in the Senate’s decision to remove (her),” ayon kay Gatchalian.
Sa panig ni Sen. Vicente Sotto III, sinabi nito na ang pangyayari noong Lunes ay dapat magsilbing aral, kung saan kailangang maging objective ang bawat komite.
“I urge my fellow senators not to use their committees as a venue to besmirch anyone, to remain impartial and do not allow anyone to use our chamber for grandstanding and mudslinging,” ani Sotto.
Sinabi naman ni Sen. Juan Miguel Zubiri, na kailangang impartial ang bawat chairman ng komite sa Senado.
Idinagdag pa ni Zubiri na kung may reklamo laban sa Pangulo, dapat ay magsampa na lang ng impeachment case.
Tsansa naman para sa malayang pagpapatupad ng pagbabago, ang nais ni Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito kaya ito bumoto para mapatalsik si De Lima.
High hope kay Gordon
Kasabay ng pagtanggi na may kinalaman ang Palasyo sa pagpapatalsik kay De Lima, high hope naman ito kay Senator Richard Gordon na siyang bagong chairman ng komite.
“Senator Dick Gordon is an illustrious fellow. He has been in the Senate for 12 years and he also served as mayor of Olongapo, chairman of SBMA (Subic Bay Metropolitan Authority),” ani Presidential Communications Secretary Martin Andanar.
“I am pretty certain that Senator Gordon will do an excellent job,” dagdag pa nito.
Si Leila ang dapat sisihin
Samantala dapat sisihin ni De Lima ang kanyang sarili, at hindi ang Pangulo sa pangyayari, ayon naman kay Chief presidential legal counsel Salvador Panelo.
Ayon kay Panelo, inabuso umano ni De Lima ang kanyang posisyon bilang senador. “De Lima’s removal as Chair is a comeuppance or a deserved rebuke from her peers in the Senate,” ani Panelo.
Huwag maging bulag
Hinimok naman ni Senator Antonio Trillanes IV ang mga tagasunod ng Pangulo na huwag maging bulag.
“It’s a cult following much like what Hitler had back in the 30s so it’s very scary. Things are moving fast. I just would like to appeal to the people to open their eyes. Let’s not be carried away with idolatry and their blind followership to President Duterte. We should be ready and be vigilant for any excesses of the abuse of authority,” ayon kay Trillanes.
Ang pagkakasibak kay De Lima ay nag-uugat sa testimonya ni Edgar Matobato na nagdadawit kay Pangulong Rodrigo Duterte at anak nitong si Paolo sa mga pagpatay sa Davao City, na gawa ng Davao Death Squad.
(Genalyn Kabiling, Leonel M. Abasola at Hannah L. Torregoza)