SA pagkakapatalsik kay Sen. Leila de Lima bilang chairperson ng Senate committee on justice and human rights, nagtatanong ang taumbayan kung ang Senado ay takot at sunud-sunuran sa Malacañang tulad ng sitwasyon sa Kamara na parang “rubber stamp” ng Pangulo ng Pilipinas. Hindi na raw ba isang isang independent body ang Senado tulad ng pagiging malaya nito sa nagdaang mga administrasyon na sumasalungat sa kagustuhan ng Punong Ehekutibo?

Sa botohang 16-4-2, tinanggal sa komite ang may “yagbols” na senadora sa kadahilanang ginagamit niya umano ang pagsisiyasat nito sa drug-related extrajudicial killings ng Duterte administration at sirain ang imahe ng bansa sa international community.

Naniniwala ang mga political observer na ang pagpapatalsik kay Sen. De Lima ay bunsod ng pagharap ni Edgar Matobato, isang self-confessed hitman at miyembro ng Davao Death Squad (DDS), na nag-aakusa kay Mano Digong sa pagpatay sa 1,000 katao noong siya pa ang alkalde ng Davao City. Itinanggi ito ni RRD at sinabing ang mga pahayag ni Matobato ay pawang kasinungalingan. “It is a serious crime,” pahayag niya. Humanda ka na, Matobato.

Pinalitan ni Sen. Richard “Dick” Gordon si Sen. Leila sa komite matapos ang dalawang oras na closed-door caucus ng mga senador noong Lunes. Ang pagtanggal sa senadora ay maituturing na “unprecedented” sa kasaysayan ng Senado. Si Sen. Manny Pacquiao ang nagmosyon na ideklarang bakante ang chairmanship at membership ng komite. Si De Lima ay mananatiling kasapi nito. Sabi ng netizens, naka-KO si Pacman sa Senado.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Pinabulaanan ng Malacañang na may papel ito sa “pagpapalayas” sa matapang na senadora sa komite. Ayon kay Presidential Communications Sec. Martin Andanar, ang Kongreso ay isang hiwalay na sangay ng pamahalaan kung kaya ang liderato nito ang responsable sa kanilang mga aksiyon at desisyon. Gayunman, naniniwala si Sen. Leila na may basbas ito ni RRD.

May namumuo umanong kilusan sa hanay ng mga Filipino-Americans sa New York City upang mapatalsik si Pangulong Duterte. Isa raw cabinet member, ayon kay Andanar, na nasa New York City ang pinagsabihan ng isang Fil-Am na narinig niya ang plano ng kapwa Fil-Ams sa pagpapatalsik. Sina DFA Sec. Perfecto Yasay Jr. at Presidential spokesperson Ernesto Abella ay kapwa nasa New York.

Mataas ang approval at trust ratings ni Mano Digong noong unang linggo ng Hulyo hanggang kalagitnaan ng Agosto.

Tumanggap siya ng 91% approval batay sa survey ng Social Weather Station mula sa taumbayan. Ngunit ngayong may 3,000 tao na ang napatay bunsod ng police operations at vigilante killings laban sa drug pushers at users, marami nang Pinoy ang nagsasawa sa araw-araw na pagpatay na pati mga bata at babae ay nadadamay at napapatay.

Siyanga pala, ngayon ang ika-44 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law ni ex-Pres. Ferdinand E. Marcos. Nasupil ang kalayaan, press freedom at kinadena ang demokrasya sa loob ng maraming taon! (Bert de Guzman)