“The United States is committed to its alliance with the Philippines.” Ito ang binigyang diin ni U.S. Department spokesman John Kirby, isang araw matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat nang umalis sa Mindanao ang tropa ng Amerika.
Samantala nilinaw naman ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr. na hindi pinapalayas ang mga sundalong Amerikano sa bansa, sa halip ay sa Mindanao lang, dahil target patayin ng mga bandido at dukutin ng kidnap-for-ransom groups ang mga ‘puti’.
Sa Washington, sinabi ni Kirby na wala naman silang natatanggap na abiso hinggil sa pagpapalayas sa kanilang pwersa.
“We are not aware of any official communication by the Philippine government...to seek that result,” ani Kirby na nagsabing matatag pa rin ang alyansa ng dalawang bansa.
Ganito rin ang pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana. “It’s strong, malakas iyan. Kwan iyan ‘rock solid’ sabi nga ng mga Americans. Our defense relation or relationship is strong because the US is really our ally,” ani Lorenzana.
“Military ally natin sila because of the Mutual Defense Treaty which was signed in the 1950s. And it’s still there, hindi naman natin ina-abrogate iyun,” dagdag pa nito.
Sa panig ni Yasay, tiniyak nito na rerespetuhin ng Pangulo ang mga kasunduan ng Pilipinas sa Amerika. Bukod sa Mutual Defense Treaty, kasama rin ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na pinagtibay ng Supreme Court (SC) kamakailan. (Reuters at Francis T. Wakefield)