untitled-1-copy-copy

NEW YORK (AP) — Pinatunayan ni Stan Wawrinka ng Switzerland na hindi balakid ang edad para sa hinahangad na tagumpay.

Laban sa world No.1 at defending champion na si Novak Djokovic ng Serbia, nagpakatatag ang 31-anyos para makamit ang 6-7 (1), 6-4, 7-5, 6-3, panalo nitong Linggo (Lunes sa Manila) para tanghaling pinakamatandang player na nagwagi sa men’s single ng US Open tennis championship sa pamosong Flushing Meadows.

Napantayan ni Wawrinka ang record na naitala ni Ken Rosewall na naging kampeon dito sa edad na 35 noong 1970.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kinasiyahan din ng suwerte si Wawrinka nang magtamo ng pananakit sa kaliwang paa si Djokovic na naging dahilan sa pagbagal ng kilos nito higit sa pagbalik ng bola sa karibal.

“I don’t want to lose the final in a Grand Slam, that simple. That’s the only reason,”sambit ni Wawrinka.

“The feeling of: You don’t want to lose. I don’t want to come to the court and lose a final. So close, so far,’ aniya.

Nakamit niya ang unang US Open title at ikatlong Grand Slam trophy. Bukod dito, unti-unti na rin siyang makahahabol sa tagumpay ng mas pamosong kababayan na si Roger Federer, may-ari ng 17 Grand Slam title.

“He was the better player. He was tougher mentally,” sambit ni Djokovic.

Bago ang panalo, limang beses sa 24 na pagkakataon sa kanilang paghaharap na nagwagi si Wawrinka kay Djokovic. Ngunit, hindi matatawaran ang US Open na nadagdag sa tagumpay niya sa Australian Open noong 2014 at French Open noong 2015.

Samantala, nagwagi ang tambalan nina Bethanie Mattek-Sands ng United States at Lucie Safarova ng Czech Republic kontra kina Caroline Garcia at Kristina Mladenovic ng France, 2-6, 7-6 (5), 6-4, para makopo ang women’s double title.