josephine-medina-copy-copy

Pinay table netter, wagi ng bronze sa Rio Paralympics.

Kulang man sa atensyon kumpara sa mga regular na atleta ng bansa, hindi matutumbasan ang pagpupunyagi at sakripisyo ng mga tinaguriang differently-able athletes.

At hindi sinayang ni Josephine Medina ang pagkakataon nang mapabilang sa National Team at mapalaban sa 2016 Paralympic Games sa Rio de janiero, Brazil.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ginapi ng 44-anyos na si Medina ang karibal na si Juliane Wolf ng Germany sa table tennis women’s singles Class 8, 11-5, 11-6, 11-7 para makamit ang bronze medal sa quadrennial Games.

Isang polio victim, bahagi si Medina sa 8-man Philippine Team na sumabak sa Paralympics – ginaganap matapos ang regular Summer Games – at nagsilbing flag-bearer ng delegasyon.

Ito ang kauna-unahang medalya ng Pilipinas mula nang mapagwagihan ni Adeline Dumapong-Ancheta sa powerlifting ang bronze medal sa Sydney 2000 Paralympic Games.

“Salamat po sa Diyos sa biyayang kaloob,” pahayag ni Medina sa kanyang FB page.

Naunang nabigo si Medina sa group play kontra sa 21-anyos na si Mao Jingdian ng China, 3-11, 4-11, 6-11, ngunit nakabalik siya sa winning bracket nang magwagi kontra Aida Husic Dahlen ng Norway, 11-5, 3-11, 7-11, 11-2, 11-8.

Nabigo naman siya sa semifinal kay Thu Kamkhasomphou ng France, 5-11, 8-11, 9-11.

Sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez na matatanggap ni Medina ang P1 milyong insentibo batay sa inamyendahang Republic Act 10699 o ang Athletes and Coaches Incentive Act.

Samantala, umaasa pa ang delegasyon ng bansa na makapagwagi ng dagdag na medalya kay Jerrold Pete Mangliwan na nagawang makapagkuwalipika sa pangkalahatang ikatlong puwesto sa men’s 400m T52 event ng athletics sa isinumiteng 1:02.67.

Una itong nabigo sa 100m event matapos pumangpito sa tyempong 20.04 segundo.

Hindi naman nakausad si swimmer Ernie Gawilan sa 100m freestyle S8 (1:06.64) para sa ika-15 puwesto at sa 400m freestyle S8 (4:54.24) para sa pangkalahatang ika-10 silya. Nakatakda pa itong lumahok sa 100m backstroke.

Tumapos lamang sa ikapitong puwesto si Agustin Kitan sa Men’s -59kg sa powerlifting sa nabuhat nitong 145 kg. habang sunod na lalaban sa women’s +86kg si Ancheta. (Angie Oredo)