PINAALALAHANAN ng US at ni Democratic presidential candidate Hillary Clinton si President Rodrigo Roa Duterte na magdahan-dahan sa pagsasalita (o pagmumura) kay US President Barack Obama matapos birahin ni Mano Digong ang black President bilang “son of a whore” o kung tatagalugin, bagamat masagwa, ay nangangahulugan na “Anak ng puta”.
Sinabi ng US State Department at ni Hillary na kailangan ang magandang relasyon o pagkakaibigan ng Pilipinas at Estados Unidos ay batay sa “mutual respect.” Nakasulat sa banner story ng isang English broadsheet noong Huwebes na: “US, Hillary to Rody: Have some respect.” Sa isa pang English headline ay ganito naman ang nakasaad: “Du30 voices regrets for insult on Obama.” Respeto lang ang kailangan upang hindi mag-regret sa dakong huli.
Napilitang kanselahin ng US ang planong pulong on the sidelines nina Obama at RRD sa Laos. Mismong ang ‘Pinas ang nakiusap sa bilateral talks ng dalawang lider, pero dahil hindi nagustuhan ni Obama ang pagtawag sa kanya ng machong Presidente ng “son of a bitch”, kinansela ito. Ang rhetoric daw ni President Rody ay hindi kanais-nais upang magbunga ng “chances of productive talks” tungkol sa isyu ng human rights at illegal drug extrajudicial killings.
Sabi nga ng journalist friend ko: “Dapat mag-ingat si Duterte sa pagsasalita laban sa US. Malaki ang tulong nito sa atin. Samantala, sinasakop na ng China ang Panatag Shoal, pero kahit minsan ay hindi pa niya minura si Pres. Xi Jinping. Takot ba siya sa China? Aba, isang pitik lang ng US si Digong, tiyak na laglag siya sa Malacañang.”
Sumabad ang senior-jogger matapos lumagok ng kape: “Para yatang nag-aala-Idi Amin si Pres. Rody. Sa galit niya sa Abu Sayyaf na nagpasabog sa Davao City, nagbanta siyang kakainin nang buhay ang mga Abus basta may suka at asin kapag sila’y nahuli.” Sabi ni RRD: “I will eat Abus alive.” Si Idi Amin ay diktador na pangulo ng isang bansa na inaakusahang isang cannibal na kumakain ng kanyang political enemies.
Samantala, kontra si Caloocan City Rep. Edgar Erice na buwagin na lang ang Sanggunian Kabataan. Nakatakda sanang maghalal ng bagong mga pinuno ng SK kasabay ng Barangay elections ngayong Oktubre. Ang SK daw ay nabuo matapos ang mahaba at masusing konsultasyon sa taumbayan at taong-gobyerno. Pero ngayon ay balak buwagin.
Ayon kay Erice, sumailalim din ito sa proseso ng Kongreso kung kaya hindi dapat basta na lang bubuwagin. Layunin daw ng SK na ihanda ang mga kabataan bilang mga bagong lider ng bansa. Layunin din daw sa inamyendahang batas sa SK na ipagbawal ang political dynasty upang ipagbawal ang pagtakbo ng mga anak, asawa o kamag-anak ng incumbent barangay officials.
Siyanga pala, nasa isip (State of the mind) lang daw ng mga Pinoy (motorista) ang matinding traffic sa Metro Manila, lalo na sa EDSA. Pahayag ito ni DoTR Sec. Arthur Tugade na tulad ni Duterte ay maanghang na ring magsalita kumpara noong siya pa ang hinirang ni PNoy na hepe ng Clark Development Corporation. Sa FB post ni kaibigang Meralco spokesman Joe Zaldarriaga, isinulat niyang mahabang oras ang ginugugol niya sa lansangan bunsod ng bigat ng trapiko.
Mr. Tugade, gising na, gising na. Baka raw natutulog ka sa loob ng iyong aircon-van na may tsuper kaya hindi mo alam ang parusa ng trapiko. Noong panahon ni PNoy, sinabi ni ex-DoTC Sec. Joseph Abaya: “Hindi naman nakamamatay ang trapiko.” Ngayon naman, sinabi ni Tugade na ang trapiko ay “state of mind only” o nasa isip lamang. Teka muna, ihing-ihi na ako.